|
||||||||
|
||
Embahador Jose Santiago Sta. Romana (sa gitna), kasama ang mga performers at opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Beijing
Masigla, nakakaindak, makulay, pumupukaw ng damdamin, nakakatuwa: ilan lamang ang mga salitang ito na maaaring maglarawan sa mga pagtatanghal na inihandog sa "Ang Mga Biyaya ng Kawayan at Ratan," isang kultural na aktibidad na inihatid ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing, at Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas – Tanggapan sa Beijing, sa tulong ng International Network for Bamboo and Rattan (INBAR).
Sa loob ng gusaling gawa sa kawayan at ratan ng INBAR, sa Beijing International Horticultural Exposition, ipinakilala, inilahad at itinanghal sa harap ng napakaraming manonood at kaibigang Tsino, ang mga sayaw at pambansang yaman ng Pilipinas na gaya ng Tinikling, pambansang sayaw ng Pilipinas; Sayaw ng Maskara; at siyempre, KALI/ARNIS/ESKRIMA, pambansang laro at sining ng pakikipagtunggali ng Pilipinas.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, ang malugod at mainit na pagtanggap sa mga bisita, lalo na sa mga kaibigang Tsino.
Si Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina habang nagtatalumpati
Unang hanay mula sa kaliwa Embahador Jose Santiago Sta. Romana, Ali Mchumo, Direktor Heneral ng INBAR habang pinapanood ang pagtatanghal
Aniya, malaki ang papel na ginampanan at patuloy na ginagampanan ng kawayan at ratan sa sa buhay at kultura ng mga Pilipino.
"Bilang agrikultural na lipunan, ang Pilipinas ay umaasa sa bersatilidad ng mga kasangkapang kawayan at ratan na ginagamit sa pagbubukid, pag-aalaga ng mga hayop, pag-iimbak ng mga pagkaing-butil, at paghuli ng makakain sa kagubatan," saad ni Sta. Romana.
Aniya pa, ang kawayan at ratan ay mga di-maihihiwalay ring bahagi ng kasaysayan sa pandaragat ng Pilipinas.
Sinabi ng embahador na ang mga kawayan ay inilalagay sa mga bangka bilang "katig" sa mga gilid upang mas lalo itong tumatag sa paglalayag, at ito rin ang gamit sa pagggawa ng mga balsa.
Mga manonood na Tsino
Sa mga kasangkapan naman sa bahay at pang-araw-araw na buhay, tulad ng mga upuan, lamesa, kagamitan sa pagluluto, dekorasyon sa bahay at maging sa paglalaro, ratan ang malawakang ginagamit.
Sa larangan ng musika, malaki rin, ani Sta. Romana ang papel ng kawayan dahil ito'y ginagamit sa paggawa ng mga instrumentong tulad ng tambol, plawta, at maraming iba pa.
Si Winston Dean Almeda, First Secretary ng Embahada ng Pilipinas sa Tsina
Pagtatanghal ng Tinikling
Mga performers ng Maskara at Tinikling habang kumakain
Ang tanyag na Philippine Bamboo Organ sa Las Pinas, Metro Manila ay gawa sa kawayan, dagdag niya.
Ipinagmalaki ng embahador na ang pambansang sayaw ng Pilipinas, ang Tinikling ay sinasayaw gamit ang kawayan, samantalang ang pambansang laro at sining sa pakikipagtunggali ng Pilipinas, na KALI/ARNIS/ESKRIMA ay gumagamit ng ratan sa pagsasanay.
Pagtatanghal ng Kali/Arnis/Eskrima
Mga performers sa Kali/Arnis/Eskrima
Mga Pinoy na dumalo
Ang KALI/ARNIS/ESKRIMA ay tinatawag din bilang Filipino Martial Arts.
"Gusto naming ibahagi sa mas maraming kaibigang Tsino ang mga katangi-tanging gamit ng kawayan at ratan bilang paraan upang ipakita ang kultura at pamumuhay ng mga Pilipino," pagmamalaki ng embahador.
Ang 2019 Beijing International Horticultural Exposition ayisang A1-rating na eksposisyong naglalayong pasulungin ang malusog at sustenableng pamumuhay.
Ipinakikita rito ang ibat-ibang produkto, modernong proseso, at makabagong pamamaraan ng pagpoprodyus ng pagkain at kagamitan mula sa ibat-ibang bansa na kinabibilangan ng Pilipinas.
Ilan sa mga ito ang berdeng produksyon, berdeng pamumuhay, berdeng konsepto, at marami pang iba.
Batang Tsino na nakasuot ng maskara
Kasama ang mga mananayaw ng maskara
Boluntaryo kasama ang mga mananayaw
Ito ay isang kaganapang hindi lamang nagpapakita ng pag-unlad at tagumpay ng Tsina at ibat-ibang bansa ng daigdig sa larangan ng hortikultura, ipinakikita rin nito ang integrasyon ng mga makalumang tradisyon sa paghahalaman, at mga makabagong konsepto sa larangang ito.
Magandang tanawin sa ekspo
Ang 2019 Beijing International Horticultural Exposition ay bukas sa loob ng 162 araw.
Magandang tanawin sa ekspo
Binuksan ito sa 960 ektaryang lupain na matatagpuan sa Yanqing County ng Beijing noong Abril 29 at ipipinid sa Oktubre 7, 2019.
Ulat: Rhio / Jade
Web Editor: Lito
Larawan: Ramil Santos
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |