|
||||||||
|
||
Ipinatalastas nitong Miyerkules, Setyembre 25, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pormal na pagbubukas ng Beijing Daxing International Airport, bagong landmark ng kabisera ng Tsina. Layon nitong ibayo pang pasulungin ang pag-uugnayan ng Tsina at iba't ibang bansa ng daigdig.
Pagkaraan ng apat na taong konstruksyon, makikita sa ikalawang paliparan ng Beijing ang disenyo ng pagpapauna ng mga tao, at mga bagong ideyang pangkaunlaran ng Tsina na nagtatampok sa inobasyon, berde at pagbubukas. Ito ang dahilan kung bakit pinili ito ng diyaryong Guardian bilang pinakauna sa listahang Pitong Himala ng Bagong Daigdig, at inilalarawan ito ng CNN bilang isa sa mga pinakakahanga-hangang paliparan sa taong 2019.
Ipinagmamalaki ng Beijing Daxing International Airport ang mahigit sandaang inobasyong panteknolohiya at mahigit 40 tampok na "pinakauna" sa loob at labas ng bansa. Mahigit 98% ng mga materyales at teknolohiya ng paliparan ay galing sa Tsina. Bukod dito, ang bagong paliparan sa Beijing ay ang kauna-unahang paliparan sa daigdig na may double-decker na plataporma ng pagdating at paglisan ng mga pasahero. Ito rin ang kauna-unahang paliparan sa daigdig na may high-speed train station sa ilalim ng terminal building.
Ang Daxing Airport ay tinatawag ding New Green Gateway sa Tsina. Kung ihahambing sa mga paliparang may katulad na laki, mas mababa ng 20% ang konsumo ng enerhiya ng terminal building ng Daxing Airport. Bunga nito, aabot sa 22,000 tonelada ang mababawasang emisyon ng carbon dioxide bawat taon, at katumbas ito ng pagtatanim ng 1.19 milyong puno at pagtitipid ng 8,850 toneladang karbon. Masasabing ipinakikita ng Daxing Airport na ang Tsina ay nangunguna sa pangangasiwa sa paliparan sa paraang nangangalaga sa kapaligiran.
Higit sa lahat, masasabing ang pinakamahalagang aspekto ng paliparan ay ang disenyo nito na nakatuon sa pangangailangan ng mga pasahero, sa pamamagitan ng iba't ibang sulong na teknolohiya. Kabilang dito ang integrasyon sa high-speed rail, check-in system na nagtatampok sa face recognition, at pinagsamang sistema ng security at customs check, bagay na nagpapaginhawa sa paglabas-pasok ng mga pasahero.
Ang Daxing Airport, kasama ng Beijing Capital International Airport, ay tinatayang kakayaning magserbisyo sa mahigit 250 milyong pasahero bawat taon. Ang transportasyon ay isang pangunahing lakas-panulak para sa kaunlarang urban. Ang pagbukas ng Beijing Daxing International Airport ay hindi lamang magbubuhos ng bagong lakas sa pagpapasulong ng pag-unlad ng Tsina, kundi magbibigay ng napakalaking ambag sa konektibidad ng daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |