Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Embahador ng Pilipinas sa Tsina - Pagpapalitang pang-media ng dalawang bansa, kailangang pahusayin: Serbisyo Filipino ng CMG, pinapurihan

(GMT+08:00) 2019-09-27 09:08:27       CRI

Si Jose Santiago Sta Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina

"Nais kong batiin ang Serbisyo Filipino [ng China Media Group (CMG)] kasi marami na silang nagawa at napapalawak nila ang impluwensya ng kanilang pagbabalita."

Ito ang ipinahayag sa Beijing, Setyembre 26, 2019 ni Jose Santiago Sta Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina sa kanyang eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino ng CMG.

Magkagayunpaman, sinabi ng embahador na maraming kailangan pang gawin para pahusayin ang pagpapalitang pang-media ng Pilipinas at Tsina upang makatugon sa tawag ng pangangailangan at pagbabago ng panahon.

"Malaking hamon ang hinaharap natin, kasi habang humuhusay ang relasyon [ng dalawang bansa], habang lumalakas ang Tsina, nagiging komplikado rin ang mundo natin, at maraming kailangang ipaliwanag sa mga mamamayang Pilipino at Tsino," ani Sta Romana.

Aniya pa, sa Pilipinas ngayon, mayroong dalawang magkasalungat na naratibo o pagtingin sa Tsina.

Isa ay ang paniniwala ni Pangulong Duterte na kailangang magkaroon ng mahusay na relasyon at pagkakaibigan sa Tsina kahit may pagkakaiba sa ilang larangan ng prinsipyo, na gaya ng sa larangan ng soberanya.

Si Jose Santiago Sta Romana (sa kanan), Embahador ng Pilipinas sa Tsina habang kinakapanayam ng mamamahayag ng Serbisyo Filipino ng CMG

Sa kabilang banda, nariyan ang mga gustong bumatikos sa patakarang ito, "dahil hindi nila maiwan iyong dating pananaw na umaasa lang ang Pilipinas sa isang panig, at minsan ay sa isang panig na kalaban pa ng Tsina," sabi ni Sta Romana.

Dahil dito, anang embahador, mas kailangang pahusayin ang mga ulat na isinasahimpapawid.

Malaking bagay rin aniya na pahusayin ang pagpapalitan ng mga media ng Pilipinas at Tsina upang makapagdala ng makabuluhan, makatotohanan at patas na impormasyong mag-aakay sa mga Pilipino at Tsino tungo sa mas matatag at mahigpit na pag-uunawaan.

"Sa madaling sabi, kung ang isang tao mismo ay makikita ang mga nangyayari sa Tsina, madali niyang maiintindihan. Pero, hindi lahat ay pwedeng magpunta rito [sa Tsina], kaya, aasa sila sa ating ulat," diin ng embahador.

Aniya, dahil dito, kailangang palakasin ang trabahong ginagampanan ng mga media ng Pilipinas at Tsina.

Dagdag pa ni Sta Romana, kung puro positibo ang ibinabalita, "okay lang iyon, pero darating ang araw na hindi na maniniwala ang mga tao."

Kaya, mas mainam na maipakita ang kabuuang kalagayan ng relasyon ng Pilipinas at Tsina; kapuwa positibong pag-unlad, mga hamon, at mga kailangan pang dapat gawin upang mapagtagumpayan ang mga ito, anang embahador Pilipino.

Si Jose Santiago Sta Romana (sa kanan), Embahador ng Pilipinas sa Tsina habang kinakapanayam ng mamamahayag ng Serbisyo Filipino ng CMG

Sa pamamaraang ito, mas huhusay aniya ang impluwensya ng mga media ng Pilipinas at Tsina at mas lalong maniniwala rito ang mga mamamayan ng dalawang bansa.

"Inaasahan ko na lalong magsisikap ang Serbisyo Filipino ng CMG para mas maintindihan ng mga mamamayang Pilipino kung ano ang nangyayari sa Tsina at kung ano rin ang nangyayari sa pagitan ng dalawang bansa," saad ni Sta Romana.

Naniniwala aniya siyang kayang-kaya nilang gawin iyon.

Ulat: Rhio
Larawan: Lito

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>