Ipinahayag ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) ang mariing pagbatikos sa karahasang ginawa nitong Linggo, Oktubre 6, ng mga radikal sa iba't ibang lugar ng Hong Kong.
Kabilang sa mga karahasan ang paglalagay ng hadlang sa mga lansangan, paninira at panununog sa mga tindahan at ari-ariang pampubliko na gaya ng MTR, pagpukol ng mga petrol bomb sa mga pulis, at pag-atake sa mga mamamayan sa mga distrito ng Hong Kong Island at Kowloon. Dahil sa karahasan, sinuspendi ang operasyon ng ilang linya ng MTR ng Hong Kong.
Bilang tugon, sinabi ng tagapagsalita ng HKSAR na ipinakikita ng nasabing karahasan ang pangangailangan ng pagpapatupad ng Regulasyon ng Pagbabawal ng Paggamit ng Maskara o Prohibition on Face Covering Regulation, para mapigilan ang kaguluhan at mapanatili ang katatagan ng lipunan.
Batay sa Emergency Regulations Ordinance, ipinasiya nitong Biyernes, Oktubre 4 ng pamahalaan ng HKSAR ang pagpapairal ng nasabing regulasyon laban sa maskara. Nagsimula itong magkabisa nitong Sabado, Oktubre 5.
Salin: Jade