Nitong Martes, Oktubre 15, 2019, pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Amerika ang Hong Kong Human Rights and Democracy Act of 2019 na iniharap ng ilang kongresista. Lantarang sumusuporta ang nasabing dokumento sa mga ekstrimista at rioter ng Hong Kong, malubhang lumalapastangan sa soberanya ng Tsina, aktibong nakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, at yumuyurak sa pundamental na norma ng pandaigdigang batas at relasyong pandaigdig. Nagpahayag ang panig Tsino ng matinding kondemnasyon at buong tatag na pagtutol dito. Kung papasa sa legislative procedure ang kaukulang panukalang batas, hindi lamang ito makakapinsala sa relasyong Sino-Amerikano at kasaganaa't katatagan ng Hong Kong, kundi malubha ring makakapinsala sa sariling interes ng Amerika.
Ang mga suliranin ng Hong Kong ay suliraning panloob ng Tsina. Ang walang pag-aalinlangang pagpapatibay ng Mababang Kapulungan ng Amerika ng mga panukalang batas na may kinalaman sa Hong Kong ay, walang duda, salungat sa orihinal na aspirasyon ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Amerika, at magbubunsod ng malubhang epekto sa relasyon ng dalawang bansa. Sa kasalukuyan, nahaharap ang Hong Kong sa isyu ng pagtigil sa kaguluhan at karahasan sa lalong madaling panahon, pagpapanumbalik ng kaayusan, at pangangalaga sa pangangasiwa alinsunod sa batas, sa halip ng umano'y isyu ng karapatang pantao at demokrasya. Layon ng pakikialam ng ilang Amerikano sa mga suliranin ng Hong Kong na hadlangan ang pag-unlad ng Tsina.
Bilang isa sa mga mahalagang trade partner ng Amerika sa Asya, ang kaguluhan ng Hong Kong ay di-makakabuti sa Amerika. Kaugnay ng maling kapasiyahan ng panig Amerikano, tiyak na isasagawa ng panig Tsino ang ganting hakbangin para mapangalagaan ang sariling soberanya, seguridad at kapakanang pangkaunlaran. Nabibilang sa Tsina ang Hong Kong. Dapat malaman ng ilang Amerikano ang galaw ng panahon, agarang itigil ang pagpapasulong sa kaukulang panukalang batas, at huwag likhain ang kaguluhan sa Hong Kong.
Salin: Vera