Sa pagsaksi ni Punong Ministro Prayut Chan-ocha ng Thailand, idinaos nitong Huwebes ng hapon, Oktubre 24 ang seremonya ng paglalagda ng proyekto ng high-speed rail sa Eastern Economic Corridor (EEC) ng bansa. Ang China Railway Construction Corporation Limited (CRCC) ay mamamahala sa disenyo at konstruksyon ng nasabing riles.
Ang naturang high-speed rail na may habang 220 kilometro ay nakatakdang matapos sa loob ng limang taon. Sa pamamagitan ng riles, mai-uugnay ang tatlong paliparan ng Thailand na kinabibilangan ng Don Mueang International Airport, Suvarnabhumi International Airport, at U-Tapao International Airport.
Sinabi ni Lv Jian, Embahador ng Tsina sa Thailand, na bilang isa sa mga pangunahing proyekto ng sinerhiya ng Belt and Road Initiative (BRI) at EEC, mayroon itong mahalagang katuturan sa pagtutulungan ng Tsina't Thailand sa mataas na teknolohiya ng high-speed rail at pagpapasulong ng konektibidad ng rehiyon.
Salin: Jade
Pulido: Rhio