Ipinatalastas nitong Biyernes, Oktubre 25, 2019 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa paanyaya ng kanyang mga counterpart na sina Abdulla Aripov ng Uzbekistan at Prayuth Chan-ocha ng Thailand, mula Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 5, dadalo si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Ika-18 Pulong ng Konseho ng mga Puno ng Pamahalaan (Punong Ministro) ng Shanghai Cooperation Organization (SCO) na gaganapin sa Tashkent, Uzbekistan, at magsasagawa ng pormal na pagdalaw sa bansang ito. Lalahok din siya sa Ika-22 pulong ng mga lider ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) o 10+1, ika-22 pulong ng mga lider ng ASEAN, Tsina, Hapon at Timog Korea o 10+3, at ika-14 na East Asia Summit na gaganapin sa Bangkok. Pormal ding dadalaw si Li sa Thailand, dagdag ni Hua.
Salin: Vera