Ipinatalastas kamakailan ng Amerika na sa Abril, 2020, aalisin ang Generalised System of Preferences (GSP) tariff treatment sa mahigit 500 uri ng paninda ng Thailand. Ang aksyong ito ay magdudulot ng lampas sa 40 bilyong baht (halos 1.3 bilyong dolyares) na kapinsalaan sa kita ng pagluluwas ng Thailand.
Ipinahayag ng panig Amerikano na ang aksyong ito ay bilang parusa sa hindi pagtalima ng Thailand sa pandaigdigang pamantayan sa aspekto ng pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.
Kaugnay ng nabanggit na akusasyon ng panig Amerikano, ipinahayag kamakailan ni Chatumongol Sonakul, Ministro ng Paggawa ng Thailand, na ang labor law ng kanyang bansa ay nagkakaloob ng proteksyong angkop sa pamantayang pandaigdig sa mga manggagawang lokal at dayuhan. Aniya, ang mga patakaran ng kanyang ministri ay nababatay sa batas ng bansa, at angkop ito sa pundamental na kalagayan ng Thailand. Aniya pa, hindi ito dapat isang pagkopya ng batas o pamantayan ng ibang bansa.
Salin: Vera