Bangkok — Sa kanyang pagdalo Linggo, Nobyembre 3 (local time), 2019 sa Ika-22 Pulong ng mga Lider ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na sa ilalim ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansang ASEAN, nananatiling matatag ang pangkalahatang situwasyon ng South China Sea. Ani Li, noong isang taon, iniharap niya ang hangaring magsikap ang lahat para magkasundo sa Code of Conduct (COC) in the South China Sea sa loob ng darating na tatlong taon. Hanggang sa ngayon, maaga aniyang natapos ng iba't-ibang panig ang unang round ng pagsusuri, at sinimulan na ang ikalawang round ng pagsusuri. Dagdag pa ng premyer Tsino, umaasa siyang tutupdin ng iba't-ibang panig ang mga prinsipyo ng Declaration of Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at magkakasama silang magsisikap para tapusin ang ikalawang round ng pagsusuri sa susunod na taon at makapaglatag ng matatag na pundasyon sa pagsasakatuparan ng naturang hangarin.