Inilabas ngayong araw, Sabado, ika-2 ng Nobyembre 2019, ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang artikulo sa mga pangunahing media ng Thailand, hinggil sa kanyang gagawing biyahe sa bansang ito.
Kaugnay ng kanyang pagdalo sa serye ng mga summit sa kooperasyon ng Silangang Asya, ipinahayag ni Li ang pag-asang, pag-iibayuhin ng mga pulong ang magkakasamang pagsisikap ng mga bansa sa rehiyong ito, para sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan, pagpapasulong ng pagbubukas at pagtutulungan, pagpapalakas ng pagpapalitan ng mga mamamayan, at paggigiit sa paglutas ng mga isyu sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Pagdating naman sa pagdalaw sa Thailand, sinabi ni Li, na kailangang palakasin ng Tsina at Thailand ang kooperasyon sa mga mahalagang aspektong gaya ng konektibidad, inobasyon sa siyensiya at teknolohiya, koordinasyon sa kapasidad ng produksyon, at pakikipagkooperasyon sa ikatlong panig. Ito aniya ay para magbigay ng bagong lakas sa pag-unlad ng dalawang bansa, at magdulot ng mas maraming benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Salin: Liu Kai