Sa kanyang talumpati ngayong araw sa Shanghai sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-2 China International Import Expo (CIIE), ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na bilang tagapagtaguyod ng pandaigdig na kooperasyon at tagapagsuporta ng multilateralismo, ibayo pang palalalimin ng bansa ang multilateral na pakikipagtulungan sa iba't ibang panig.
Dagdag pa ni Xi, suportado ng Tsina ang kinakailangang reporma sa World Trade Organization (WTO) para mapatingkad ang papel nito sa pagpapasulong ng pagbubukas at pag-unlad, at maprotektahan ang multilateral na mekanismong pangkalakalan. Nakahanda rin aniya ang Tsina na lumagda ng kasunduan ng malayang kalakalan sa mas maraming bansa. Kasabay nito, patuloy na makikilahok ang Tsina sa mga pagtutulungan sa ilalim ng balangkas ng United Nations (UN), G20, Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), BRICS, at iba pa, para magkakasamang mapasulong ang globalisasyong pangkabuhayan.
Salin: Jade