Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

$US124 milyong dolyar, kita ng Pilipinas sa unang CIIE: 139 na miyembrong delegasyon, lalahok ngayong taon – PTIC Shanghai

(GMT+08:00) 2019-10-30 14:52:02       CRI

Mas malaki kaysa sa inaasahan, US$124 na milyong dolyar ang naging kabuuang kita ng Pilipinas sa paglahok nito sa kauna-unahang China International Import Expo (CIIE) noong 2018, ito ang ipinahayag Oktubre 28, 2019 ni Mario C. Tani, Commercial Vice Consul ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC) - Shanghai sa kanyang panayam sa telepono, sa Serbisyo Filipino ng China Media Group.

Kaya naman aniya, sa darating na Nobyembre 5 hanggang 10, 2019, muling lalahok ang Pilipinas sa Ika-2 CIIE, at pangungunahan mismo ni Kalihim Ramon M. Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI) ang delegasyon ng Pilipinas.

Isandaan at tatlumpu't siyam (139) na ahensiya ng pamahalaan at pribadong kompanya, ang bumubuo sa nasabing delegasyon, ani Tani.

Si Mario C. Tani, Commercial Vice Consul ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC) - Shanghai

Sinabi pa niyang, ang CIIE ay isang mahalagang plataporma ng pagluluwas ng Pilipinas sa Tsina.

Kaugnay nito, magkakaroon aniya ng Food Philippines Pavillon, kung saan ipapakita ng 32 eksibitor na kompanyang Pilipino ang mga produktong gaya ng saging, pinya, niyog, tsitsiriya, inumin, at iba pang inobatibo at kapana-panabik na produkto.

Ang pabilyon ay may kabuuang lawak na 450 metro kuwadrado, at ito'y matatagpuan sa Bulwagan ng Food and Agricultural Products o Hall 8.2 ng National Exhibition and Convention Center ng Shanghai, pagmamalaki ni Tani.

Diin niya, sa taong ito, gustong palakasin ng Pilipinas ang promosyon ng mga sariwang pagkain, dahil ang sektor na ito ang isa sa mga pinakamalaking kontributor sa paglaki ng kalakalan ng bansa.

"Umaasa kami, na sa pamamagitan ng programang liberalisasyon ng [ekonomiya] ng Tsina at ng CIIE, mas lalo pang magkakaroon ng akses ang mas maraming produktong Pilipino sa pamilihang Tsino," saad niya.

Sa taong 2018, ang Tsina ay ang pinakamalaking trading partner, ikatlong pinakamalaking export market, at pinakamalaking import supplier ng Pilipinas.

Maliban dito, ang kabuuang bilateral na kalakalan ng dalawang bansa para sa nasabing taon ay umabot sa mga $US30 bilyong dolyar.

Diin ni Tani, nakikita niyang mas lalo pang bubuti ang trade o kalakalan ng dalawang panig dahil ipinahayag na ng pamahalaang Tsino ang kahandaang umangkat ng mas marami pang produkto mula sa Pilipinas.

Pagdating naman sa pagpo-promote sa Pilipinas bilang mainam na destinasyong pang-negosyo para sa mga puhunang dayuhan, sinabi ni Tani na noong 2018, ang Tsina ang pinakamalaking bansang pinanggalingan ng Foreign Direct Investment (FDI).

Pagmamalaki pa niya, ang kabuuang halaga ng FDI mula sa Tsina ay umabot sa mga $US200 milyong dolyar.

Ilan sa mga sektor kung saan naglagak ng puhunan ang mga kompanyang Tsino ay kinabibilangan ng automobile, e-vehicles, garment, transport equipment, manufacturing, at marami pang iba.

Aniya pa, sa unang hati ng 2019, ang Tsina ang siya pa ring nangunguna sa approved FDI sa Pilipinas.

Sa kabilang dako, sa usapin naman ng trade deficit, isinusulong ng Pilipinas ang maraming solusyon, tulad ng pag-akit sa mga kompanyang Tsino na mamuhunan sa Pilipinas, lalo na sa industriya ng bakal.

Sinabi ni Tani, na nagpahayag na ng kahandaan ang malalaking kompanyang Tsinong nasa industriyang ito, na magpunta sa Pilipinas upang magnegosyo, at dahil dito, hindi na kailangan pang mag-angkat ng bakal ng Pilipinas, dahil sa bansa na mismo gagawin ito, diin niya.

Maliban pa riyan, sinabi niyang, sa pamamagitan ng mga kompanyang ito, magkakaroon ng paglilipat ng teknolohiya at makakagawa ng libu-libong trabaho para sa mga Pilipino.

Noong Mayo 2017, inanunsiyo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Belt and Road Forum for International Cooperation, na idaraos sa 2018 ang kauna-unahang CIIE.

Ito'y isa sa mga napakahalagang hakbang ng Tsina upang suportahan ang liberalisasyon ng kalakalan, globalisasyon pang-ekonomiya at aktibong pagbubukas ng pamilihang Tsino sa mundo.

Ito rin ay isang lakas-panulak na magpapasigla ng kooperasyong pang-ekonomiya at kalakalan, ng ibat-ibang bansa at rehiyon at magpapayabong at magbubukas ng ekonomiya ng mundo.

Ang CIIE ay isang primera-klaseng ekspo na magbibigay ng bagong plataporma para sa ibat-ibang bansa at rehiyon upang magkalakalan, magpalakas ng kooperasyon, at mag-promote ng komong kaunlaran.

Ang Ika-2 CIIE ay idaraos sa lunsod Shanghai ng Tsina, Nobyembre 5 hanggang 10, 2019.

Ulat: Rhio
Web Editor: Lito

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>