Hanoi, Biyetnam—Ipinaalam Lunes, Nobyembre 18, 2019 ni Nguyen Quoc Dung, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Biyetnam ang mga impormasyon hinggil sa gawaing preparatoryo ng panunungkulan ng Biyetnam bilang tagapangulong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Aniya, sa loob ng terminong ito, tinatayang itataguyod ng kanyang bansa ang halos 300 kaukulang aktibidad na kinabibilangan ng mga pulong sa mataas na antas, eksibisyon, promosyong panturista, paligsahang pampalakasan at iba pa.
Dagdag pa ni Nguyen, umaasa ang Tsina at iba't ibang bansang ASEAN na mapapabilis ang pagsasanggunian tungkol sa Code of Conduct in the South China Sea. Bilang tagapangulong bansa ng ASEAN, magpupunyagi aniya ang Biyetnam sa pagpapasulong sa mabisa't de-kalidad na pagsasagawa ng talastasan. Aktibong makikipagkoordina ang Biyetnam sa Pilipinas, bansang tagapagkoordina ng relasyong Sino-ASEAN, para matapos ang ika-2 round ng talastasan sa taong 2020, ani Nguyen.
Salin: Vera