Nagtagpo nitong Huwebes, Nobyemre 21, si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina at William Cohen, dumadalaw na dating Kalihim ng Tanggulang-bansa ng Amerika.
Ipinahayag ni Wang na muling nasa sangandaan ang relasyong Sino-Amerikano. Ani Wang, buong tangkang dinudungisan ng ilang mga politikong Amerikano ang Tsina, at nasisira ang kapaligiran ng relasyon ng dalawang bansa. Higit sa lahat, inilabas ng Kongresong Amerikano ang ilang panukalang may kinalaman sa mga isyung panloob ng Tsina at labag ito sa mga saligang alituntunin ng pandaigdig na relasyon, diin ni Wang. Ang naturang mga gawa ng ilang mga politikong Amerikano ay hindi lamang nakakapinsala sa relasyong Sino-Amerikano, hindi rin ito makakatulong sa kapayapaan at katatagan ng daigdig. Dapat magbigayan ang dalawang bansa para magkasamang mapasulong ang bilateral na ugnayang nagtatampok sa koordinasyon, kooperasyon at katatagan.
Ipinahayag naman ni Cohen na umaasa ang iba't ibang sektor ng Amerika na ipagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan sa panig Tsino, sa halip ng paghiwalay sa Tsina. Napakahalaga aniya nito sa katatagan at kasaganaan ng dalawang bansa at buong mundo.
Salin: Jade
Pulido: Mac