Idaraos sa Chengdu, Lalawigang Sichuan ng Tsina ang ika-8 pulong ng mga lider ng Tsina, Hapon at Timog Korea. Sa nakasulat na panayam ng media ng Tsina sa bisperas ng pulong, ipinahayag ni Shinzo Abe, Punong Ministro ng Hapon, na may mahalagang katuturan ang pagdadalawan at pagpapalitan ng mga mataas na opisyal ng Tsina at Hapon. Umaasa aniya siyang magiging pagkakataon para sa ibayo pang pagpapatibay ng relasyon ng dalawang bansa ang kanyang gagawing biyahe sa Tsina. Buong pananabik niyang inaasahan ang pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping Tsina sa Hapon sa susunod na taon, dagdag ni Abe.
Kaugnay ng kooperasyon ng Hapon, Tsina at Timog Korea, umaasa si Abe na tatalakayin sa nasabing pulong ang hinggil sa kung paano ibayo pang mapapalalim ang kooperasyon ng tatlong panig sa mga paksang gaya ng pangangalaga sa kapaligiran, pagtanda ng populasyon, pagpapalitan ng mga tauhan at iba pa.
Ipinahayag din niya ang kahandaan ng panig Hapones na pasulungin, kasama ng panig Tsino, ang proseso ng pagtatakda ng mga bagong alituntunin ng digital economy, sa ilalim ng balangkas ng World Trade Organization.
Salin: Vera