Idinaos nitong Martes, Disyembre 24 sa Chengdu, lunsod sa dakong timog-kanluran ng Tsina ang Ika-8 Taunang Pulong ng mga Lider ng Tsina, Hapon at Timog Korea. Inilabas ng pulong ang dokumentong pinamagatang Pananaw sa Kooperasyon ng Tsina, Hapon at Timog Korea sa Susunod na Dekada, at mga Trilateral +X Cooperation Early Harvest Project. Inulit din ng tatlong bansa ang pangangalaga sa malayang kalakalan at multilateralismo. Nangako rin silang pabibilisin ang negosasyon hinggil sa kasunduan ng malayang kalakalan ng tatlong bansa, alinsunod sa mga natamong bunga ng talastasan hinggil sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Ngayong taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng mekanismong pangkooperasyon ng nasabing tatlong bansa. Bunga nito, nabuo ang balangkas ng kooperasyon kung saan ang taunang pulong ng mga lider ay nagsisilbing nukleo, samantalang ang 21 pulong na ministerial at mahigit 70 diyalogo naman ang pundasyon. Noong 2018, lumampas sa 720 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan ng tatlong bansa, umabot sa mahigit 11 bilyong dolyares ang pamumuhunan sa isa't isa, at mahigit 31 milyong person-time ang naitala pagdating sa pagdadalawan ng mga tao.
Sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan sa mundo kung saan muling lumilitaw ang proteksyonismo, unilateralismo at hegemonismo, ang pagtutulungan ng Tsina, Hapon at Timog Korea ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapasulong ng paglaki ng kabuhayan ng rehiyon at daigdig at pangunguna sa integrasyong panrehiyon. Higit pa, ang kanilang pagpapahigpit ng koordinasyon at pagtutulungan ay magiging lalong substansyal.
Ayon sa plano sa susunod na sampung taon, ang pagtatatag ng sona ng malayang kalakalan ay isa sa mga pinakapangunahing proyektong pangkooperasyon ng tatlong bansa. Sapul noong 2012, 16 na round ng may kinalamang talastasan ang ginawa ng tatlong bansa. Masasabing ang pagtatatag ng naturang sona ng malayang kalakalan ay pangangailangan ng tatlong bansa sa upgrading ng sariling kaunlaran. Pangangailangan din ito ng pagtutulungang trilateral, na makakatulong sa pasilitasyon ng kalakalan at pamumuhunan ng rehiyon at daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac