Nakipag-usap kahapon, Lunes, ika-6 ng Enero 2020, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Pangulong Taneti Mamau ng Kiribati.
Hinahangaan ni Xi ang pagpapanumbalik ng Tsina at Kiribati ng relasyong diplomatiko noong Setyembre 2019, batay sa prinsipyong Isang Tsina. Ipinahayag din niya ang pag-asang, palalakasin ng dalawang bansa ang pag-uugnayan at pagtutulungan sa loob ng mga multilateral na mekanismong gaya ng United Nations, Porum ng mga Bansang Isla sa Pasipiko, at iba pa.
Binigyan naman ni Mamau ng positibong pagtasa ang mga kapansin-pansing bungang natamo ng Kiribati at Tsina, sapul nang mapanumbalik ang relasyong diplomatiko. Inulit din niya ang paggigiit ng kanyang bansa sa patakarang Isang Tsina.
Pagkaraan ng pag-uusap, sinaksihan din nina Xi at Mamau ang paglagda sa mga kasunduan sa bilateral na kooperasyon ng dalawang bansa, na kinabibilangan ng memorandum tungkol sa magkasamang pagpapasulong ng kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative.
Salin: Liu Kai