Yangon, Myanmar—Sa bisperas ng gagawing dalaw-pang-estado ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Myanmar, ginanap nitong Miyerkules, Enero 15, 2020 ang roundtable meeting ng mga media partner ng Belt and Road ng Tsina at Myanmar. Ang nasabing pulong ay itinaguyod ng China Media Group (CMG), at layon nitong palakasin ang pagpapalitan ng mga media ng dalawang bansa.
Nagtipon-tipon dito ang mahigit 70 personahe ng media ng kapuwa panig, para talakayin ang hinggil sa gagawing biyahe ni Xi sa Myanmar, at papel ng media sa pagpapasulong sa kooperasyon ng Belt and Road at relasyon ng Tsina at Myanmar.
Ipinalalagay ng mga kalahok na dapat ibayo pang palakasin ng mga media ng dalawang bansa ang pagpapalitan at pagtutulungan, magkasamang harapin ang mga di-obdyektibo't di-makatarungang hadlang ng mga kanluraning media, at pasulungin ang konstruksyon ng economic corridor ng dalawang bansa.
Inilunsad sa nasabing pulong ang aklat na pinamagatang "Xi Jinping at ang Belt and Road" sa wikang Myanmes. Ang nasabing aklat ay magkasanib na proyekto ng CMG at kilalang manunulat ng Myanmar na si Hein Lat. Ayon sa mga impormasyong nakuha ni Hein Lat sa kanyang paglalakbay-suri sa mga kaukulang lugar ng dalawang bansa, isinalaysay ng nasabing aklat ang natamong bunga ng konstruksyon ng Belt and Road sa Myanmar.
Salin: Vera