"Ang Chinese New Year ay pagdiriwang ng bagong simula at nagdadala ng pag-asa at hangarin ng kasaganaan para sa Pilipinas. Ang pagkilala sa kapistahang ito, ay patunay sa malakas at di-mapaghihiwalay na ugnayang binuo sa loob ng maraming siglo nang mapagkaibigan at mabungang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina," pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mensaheng ipinadala niya kaugnay ng pagdiriwang ng Chinese New Year ngayong Enero 25, 2020.
Sa pagbubukas ng bagong pahina ng pinagsasaluhang kasaysayan ng dalawang bansa, hangad ni Pangulong Duterte ang higit na pagtibay ng ugnayang pangkaibigan ng mga Pilipino sa lahing-Tsino saan man sa mundo sa pamamagitan ng kooperasyon, pamumuhunan, pagpapalitang kultural at ugnayan ng mga mamamayan. Hangad rin niyang ipagpapatuloy ng Chinese-Filipino community ang mabuting gawain sa komunidad at pagkakawanggawa na tutulong sa pagbuti ng kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.
Ayon pa kay Duterte, ang patuloy na paggawa ng kabutihan ay magpapabuti ng kalagayan di lamang ng mga taong kabilang sa sariling komunidad, kundi maging sa mas marami pang iba, na lilikha ng damdaming mapagkalinga sa kapwa, na mauuwi kalaunan, sa mas malaking kabutihan para sa bayan.
Salin : Mac Ramos
Web-edit: Jade Xian