|
||||||||
|
||
Walang Pilipino ang naiulat na nagkasakit sa bagong coronavirus na kumakalat sa Tsina. Ito ang naging pahayag ng mga opisyal ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing, Konsulada ng Shanghai at maging sa Guangzhou sa China Media Group Filipino Service ngayong araw Enero 25, 2020.
Si Mac Ramos habang nasa istudyo ng CMG sa Beijing
Si Merry Ann Bastasa, host ng Wow China
Sa pagbabalita ni Mac Ramos sa programang Wow China ng Radyo Pilipinas, iniulat niyang ang lalawigang Hubei ay saklaw ng Konsulada ng Shanghai at ayon kay Consul General Wilfredo Cuyugan ng Shanghai, may 150 Pilipino sa Wuhan, Hubei, ground zero ng epidemya. Kasalukuyang naka-lockdown ang lunsod bilang bahagi ng pagtugon sa pagkalat ng virus. Naglabas ang Philippine Consulate General Shanghai ng mga paalala at nagbukas ng hotline para sa mga Pilipinong mangangailangan ng tulong kaugnay ng epidemiya sa mga lalawigan ng Hubei, Jiangsu, Zhejiang at Shanghai.
Puspusan ang ginagawang hakbang ng pamahalaang Tsino upang labanan ang novel coronavirus. Isang Bilyong Yuan RMB ang inilaang pondo para rito. Kasalukuyang itinatayo sa Wuhan ang 25,000 square meters na ospital na may 1000 kama para sa mga pasyente ng bagong coronavirus. Upang suportahan ang Wuhan, ipinadala ng National Health Commission ang 6 na grupo na binubuo ng 1,230 medical staff. Aayuda na rin ang 450 military medical personnel sa panggagamot sa Wuhan.
Tanghali ngayong araw, ayon sa balitang inilabas ng CGTN-CMG, umabot na sa 1,354 ang kaso ng novel coronavirus sa Tsina, 38 ang gumaling na sa sakit, 42 ang binawian ng buhay kabilang ang isang doktor sa Wuhan. 20 lalawigan ang nagdeklara ng Level 1 Public Health Emergency Response, pinakamataas sa 4 na lebel. Nanatiling ligtas naman sa outbreak ang Tibet at Qinghai. Sa kasalukuyan, ang epidemya sa Tsina ay hindi maituturing na global public health emergency ayon sa World Health Organization.
Bahagi ng mga hakbang sa pagtugon sa epidemya, kanselado ang mga temple fairs, pagpapalabas ng mga sine at mga pagtatanghal na kultural kaugnay sa Spring Festival. Sarado rin ang mga museo at ilang sikat na tourists spot gaya ng Palace Museum sa Beijing.
Ulat: Mac Ramos
Web-edit/Larawan: Jade Xian
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |