Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Networking at cocktail event, idinaos sa Food Philippines Pavilion sa CIIE: ilang multimilyong kontrata ng pag-aangkat, pinirmahan

(GMT+08:00) 2019-11-08 11:26:04       CRI

Shanghai - Idinaos nitong Huwebes, Nobyembre 7, 2019 sa Food Philippines Pavilion sa China International Import Expo (CIIE) ang networking at cocktail event.

Sa panayam sa Serbisyo Filipino ng China Media Group, sinabi ni Ana GM. B. Abejuela, Agriculture Counsellor ng Pilipinas sa Tsina, na layon nitong bigyang-pagkakataon ang mga kaibigan at mamimiling Tsino upang matikman ang mga produktong alok ng 32 Pilipinong kompanyang eksibitor sa Ika-2 CIIE.

Mga opisyal ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture sa pagbubukas ng Networking at Cocktail Event

"Ito ay para mabigyan sila ng pagkakataong matikman ang ating mga produkto [at] makita nila kung gaano kaganda, gaano kasarap, at siguro, gaano kamura ang mga alok natin," hayag ni Abejuela.

Mga kaibigan at mamiimiling Tsinong dumadalo sa Networking at Cocktail Event upang tikman ang mga produktong Pinoy

Sa pamamagitan aniya ng event na ito, magtatagpo ang mga Pilipinong eksibitor at mga Tsinong mamimili upang magkaroon ng pagkakataong maisapinal ang mga kasunduan, o makapag-umpisa ng mga prospektibong kasunduan.

Kaugnay nito, isinaad niyang sa pangalawang araw pa lamang ng pagbubukas ng Ika-2 CIIE, mayroon nang 4 na kasunduan ang napirmahan.

Ani Abejuela, ang una ay sa pagitan ng kompanyang Eng Seng ng Pilipinas at kompanyang Artex ng Tsina; ang ikalawa ay sa pagitan ng kompanyang Eng Seng ng Pilipinas at kompanyang Sunlon ng Tsina; ang ikatlo ay sa pagitan ng Philippine Packing Corporation at kompanyang Good Farmer ng Tsina; at ang ikaapat ay sa pagitan ng kompanyang Yeung Marine ng Pilipinas at kompanyang Artex ng Tsina.

Ang lahat ng mga nabanggit na kasunduan ay tungkol sa pagluluwas sa Tsina ng mga sariwang prutas, na tulad ng pinya, mangga, saging, buko; at pagkaing-dagat.

Ana GM. B. Abejuela habang kinakapanayam ng Serbisyo Filipino

Bagamat tumangging magbigay ng eksaktong presyo si Abejuela, ipinagmalaki niyang ang mga kasunduang ito ay nagkakahalaga ng multimilyong $US dollar.

Aniya pa, ang mga ito ay magdudulot ng trabaho at pagkakakitaan para sa mga Pilipinong magsasaka, lalo na, sa rehiyon ng Mindanao.

Ito ay nakalinya sa kasalukuyang programa ng Department of Agriculture (DA) na "Ani at Kita," dagdag niya.

Kaya naman malaki ang pasasalamat niya sa CIIE dahil ito aniya ay napakainam na plataporma upang maipakilala sa mga Tsino ang mga dekalidad na produktong Pilipino.

Ilan sa mga produktong Pinoy

Samantala, sinabi rin niya, na noong dumalaw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Pilipinas noong nakaraang taon, sinaksihan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpirma ng protocol sa pag-aangkat ng Tsina ng buko at pinagyelong prutas mula sa Pilipinas.

Kaya naman makikita na ngayon sa mga pamilihan ng Tsina ang mga produktong ito ng Pilipinas, pagmamalaki niya.

Sa katulad na pangyayari, sa pagbisita naman ni Vice Premier Hu Chunhua ng Tsina sa Pilipinas noong nakaraang Oktubre 2019, napirmahan din ang protocol sa pag-aangkat ng Tsina ng mga abokado mula sa Pilipinas.

Sa malapit na hinaharap aniya, makikita na rin ang mga abokadong ito sa mga pamilihang Tsino.

"Lahat po ito, itong pagsali rin ng Pilipinas dito sa Ika-2 CIIE ay nakatuon sa layuning mabigyan ng mabuting 'Ani at Kita' ang mga Pilipino," aniya.

Ang CIIE ay isa sa mga napakahalagang hakbang ng Tsina upang suportahan ang liberalisasyon ng kalakalan, globalisasyon pang-ekonomiya at aktibong pagbubukas ng pamilihang Tsino sa mundo.

Ito rin ay isang lakas-panulak na magpapasigla sa kooperasyong pang-ekonomiya at kalakalan, ng ibat-ibang bansa at rehiyon at magpapayabong at magbubukas ng ekonomiya ng mundo.

Ang CIIE ay isang primera-klaseng ekspo na magbibigay ng bagong plataporma para sa ibat-ibang bansa at rehiyon upang magkalakalan, magpalakas ng kooperasyon, at mag-promote ng komong kaunlaran.

Ang Ika-2 CIIE ay idinaraos sa lunsod Shanghai ng Tsina, Nobyembre 5 hanggang 10, 2019.

/end/rhio/lito//

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>