Lumabas kahapon, Huwebes, ika-13 ng Pebrero 2020, ang 7 gumaling na may-sakit mula sa Huoshenshan Hospital, bagong naitayong ospital para sa mga mga may-sakit na pneumonia na dulot ng novel coronavirus (COVID-19), sa Wuhan, lunsod sa gitnang Tsina na malubhang epektado ng epidemiya ng sakit na ito.
Sa pitong pasyente, ang pinakamatanda ay 66 na taong gulang, at ang pinakabata naman ay 33. Sila ang unang batch ng mga gumaling mula sa Huoshenshan Hospital, sapul nang buksan ito nitong Pebrero 4.
Ayon pa rin sa ulat, hanggang sa kasalukuyan, 1,000 may-sakit ng COVID-19 ang ginagamot ng Huoshenshan Hospital.
Sa Wuhan, dalawang ospital, ang Huoshenshan Hospital at Leishenshan Hospital ay bagong tayo para tanggapin ang mga may-sakit ng COVID-19, lalung-lalo na ang mga kritikal ang kondisyon. Samantala, mayroon ding mga tinatawag na mobile cabin hospital, para bigyang lunas ang mga may-sakit na di malubha ang mga sintomas.
Salin: Liu Kai