Pinabulaanan nitong Huwebes, Marso 5, 2020 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pahayag ni Jesse Watters na dapat humingi ng paumanhin ang Tsina kaugnay ng epidemiya ng Corona Virus 2019 (COVID-19). Diin niya, walang anumang batayan at katwiran ang ganitong pananalita.
Sa isang TV program kamakailan ng Fox News ng Amerika, sinabi ng nasabing news anchor na dapat humingi ng "pormal na paumanhin" ang mga Tsino tungkol sa epidemiya ng COVID-19.
Kaugnay nito, sinabi ni Zhao na mas mapanganib kaysa virus ang stigmatisasyon. Aniya, sa kasalukuyan, walang tiyak na konklusyon hinggil sa pinanggalingan ng virus. Kahit saan man manggaling, tulad ng ibang bansang nagkaroon ng epidemiya, ang Tsina ay biktima ng virus, at nahaharap sa hamon ng pagpigil sa pagkalat ng epidemiya. Ang pagpuksa ng Tsina sa epidemiya ay nagpapakita ng kinakailangang responsibilidad ng isang responsableng bansa, dagdag niya.
Saad ni Zhao, tinukoy ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, Direktor Heneral ng World Health Organization (WHO), na salamat sa mabibisang hakbangin ng Tsina, hindi lamang nakontrol ang pagkalat ng epidemiya sa loob ng Tsina, kundi napigilan din ang pagkalat ng epidemiya sa ibang bansa. Sa pananaw ni Dr. Tedros, ang Tsina ay nagsilbing bagong modelo para sa pagpuksa ng iba't ibang bansa ng epidemiya.
Salin: Vera