Sa isang panayam ng media nitong Miyerkules, Abril 8, 2020, sinabi ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, na kinakaharap ng Amerika ang napakalaking hamong dulot ng novel coronavirus. Aniya, ang Wuhan ay pinag-ugatan ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) pandemic, at noong panahong iyon, nagtangka ang panig Amerikano na isagawa ang imbestigasyon sa Tsina, pero nabigo ito. Saad ni Pompeo, hindi katanggap-tanggap sa anumang bansa ang paglilihim ng mga data, at pagpaparusa ng mga nagsasalita ng katotohanan.
Sa regular na preskon nitong Huwebes, Abril 9, 2020, pinuna ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina ang bintang ni Pompeo. Tinukoy ni Zhao na ang Tsina ay unang bansa na nag-ulat ng kalagayan ng epidemiya ng COVID-19 sa World Health Organization (WHO), at hindi nangangahulugan itong ang Wuhan ay pinagmulan ng novel coronavirus. Aniya, walang anumang batayan ang pananalitang "itinago ng Tsina ang tunay na kalagayan ng epidemiya, at di-malinawag ang inilabas na impormasyon."
Ang istigmatisasyon sa Tsina ay taliwas sa mithiin ng mga mamamayan, dagdag niya.
Salin: Vera