Kasunod ng walang tigil na pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso at namatay dahil sa pandemic ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa Amerika, nagiging mas madalas ang pagtira at pagbabaling ng sisi ng ilang politikong Amerikano sa Tsina. Ang nasabing mga politikong kinabibilangan nina Mike Pompeo, Kalihim ng Estado, Peter Navarro, Tagapayo ng Kalakalan ng White House, at Tom Cotton at Lindsey Graham, mga Senador ng Amerika, ay magkakasunod na nagbibitaw ng mga iresponsableng pananalitang ang "corona virus ay nagmula sa Tsina", pinagbibintangan ang Tsina ng "pagtatago ng impormasyon ng epidemiya," at nanunulsol silang dapat akuin ng Tsina ang responsibilidad ng pagkalat ng epidemiya sa buong mundo. Lalong lalo na, inuudyok din nila ang ilang organisasyong hingin ang kompensasyon sa Tsina.
Ngunit laging katotohanan ang katotohanan. Ang mga isinasagawang hakbangin ng Tsina sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ay maagang pantay na tinasa ng komunidad ng daigdig na kinabibilangan ng World Health Organization (WHO). Partikular na kamakaila'y inilabas ng dyornal na pansiyensiyang "Nature" ang editoryal na pinamagatang "Stop the Coronavirus Stigma Now" kung saan pinabulaanan sa siyentipikong paraan ang paninira ng ilang politikong Amerikano laban sa Tsina.
Kung talagang nais mapagtagumpayan ang virus, kinakailangan ang siyensiya at katwiran sa halip ng panlilinlang at pagtira sa iba. Tinukoy ng "The Daily Breast," American news website, na ang tangkang ibaling ang sisi sa Tsina bilang "may kagagawan" sa pagkalat ng epidemiya sa buong daigdig ay bagong estratehiya kaugnay ng pambansang halalan na puspusang isinasagawa ng pamahalaang Amerikano. Ito ang napakaliwanag na dahilan ng pangunahing tangka ng Amerika sa pagbabaling ng sisi sa Tsina.
Salin: Lito