Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono nitong Huwebes ng gabi, Abril 16, 2020 kay Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na kasalukuyang kumakalat ang pandemic ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa buong daigdig, at kinakaharap ng iba't-ibang bansa ang napakahirap na tungkulin sa pakikibaka laban sa epidemiya.
Ipinahayag ni Xi na patuloy na bibigyan ng matatag na suporta ng panig Tsino ang panig Ruso sa usaping ito. Diin pa niya, ang pagsasapulitika at pagbibigay ng di angkop na ngalan sa epidemiya ay hindi nakakatulong sa pandaigdigang kooperasyon. Dapat magkasamang magsikap ang Tsina at Rusya para magkasamang mapangalagaan ang kaligtasan ng pampublikong kalusugan sa buong mundo, ani Xi.
Ipinahayag naman ni Putin na natamo ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino ang mahalagang bunga sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya, at kasalukuyan itong nagbibigay ng suporta at tulong sa mga apektadong bansa sa daigdig. Aniya, hinding hindi katanggap-tanggap ang tangka ng ilang tao na siraan at dungisan ang Tsina hinggil sa usapin ng pinagmulan ng virus.
Salin: Lito