Sa kanyang pagdalo sa Ika-5 World Holocaust Forum, ipinahayag nitong Huwebes, Enero 23, 2020 ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, na iminungkahi ng kanyang bansa na idaos ang Summit ng Limang Kasaping Bansa ng United Nations Security Council (UNSC).
Kaugnay nito, sinabi Biyernes, Enero 24 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang UNSC ay nasa puso o sentro ng mekanismo ng kolektibong seguridad sa daigdig. Aniya, may espesyal na tungkulin ang limang kasaping bansa ng UNSC sa pangangalaga sa kapayapaan at kaligtasang pandaigdig. Kinakatigan ng panig Tsino ang nasabing mungkahi ng Rusya, at nakahanda itong panatilihin ang pakikipagkoordina at pakikipagsanggunian sa iba pang mga kasaping bansa ng UNSC tungkol sa isyung ito, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng