|
||||||||
|
||
Inilabas kamakailan ni Michael H Fuchs, senior fellow ng Center for American Progress, American think tank, ang artikulong nagsasabing bunsod ng mga nagawa ng pamahalaan ni Donald Trump, nagsisilbing isang malaking hadlang ang Amerika sa pakikibaka ng buong mundo laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Anang artikulo, ang di-epektibong pagharap ni Trump sa epidemiya, ay hindi lamang nakakapagpalala sa mabilis na pagkalat ng coronavirus sa Amerika na nagdulot ng malaking kasuwalti ng tao, kundi dinaragdagan ang kahirapan sa pakikibaka ng buong mundo laban sa epidemiya, bagay na pinagbabayaran ng sangkatauhan ng mas malaking kapinsalaan.
Ang COVID-19 pandemic ay isang krisis na magkakasamang kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa napakamahigpit na panahong ito, kailangang palakasin ng iba't-ibang bansa ng daigdig ang kooperasyon para magkakasamang puksain ang virus. Ngunit palagiang humahadlang ang pamahalaan ni Trump sa ganitong kooperasyon.
Pabagalin ang pakikibaka ng buong daigdig laban sa epidemiya at tinanggihan ang pandaigdigang kooperasyon
Anang artikulo, ipinahayag ng World Food Programme (WFP) na bukod sa human casualty na dulot ng virus, posibleng maging sanhi ang epidemiya ng grabeng krisis ng pagkain na maaring ikamatay ng mas maraming tao. Dapat itaguyod ng Amerika ang pagbibigay-tulong sa mga umuunlad na bansa para tulungan sila sa pagharap sa epidemiya. Ngunit binabalewala ng pamahalaan ni Trump ang lubos na pangangailangan ng iba't-ibang lugar ng daigdig, higit sa lahat, pinipigil pa nito ang pagkilos ng G20 tungkol dito.
Sa panahon ng epidemiya, nananawagan ang Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) sa buong mundo na itigil ang digmaan para magkakasamang labanan ang epidemiya. Suportado ng iba't-ibang bansa ang panawagang ito, ngunit nag-veto ang Amerika nang pagbotohan ng UNSC ang resolusyong ito, bagay na ikinagukat ng iba pang 14 na kasaping bansa ng UNSC.
Sa isang virtual meeting na itinaguyod noong Mayo 4 ng Unyong Europeo (EU) para sa pangingilak ng pondo sa panggagamot ng COVID-19 at pagtuklas ng bakuna, hindi ito dinaluhan ng Amerika, at hindi ito nagkaloob ng anumang opisyal na reaksyon at pondo sa usaping ito.
"Itigil ang pagkakaloob ng pondo" sa WHO, nakakapinsala hindi lamang sa sarili, kundi sa iba
Anang artikulo, sa simula pa lamang nang pagsiklab ng epidemiya, nagbabala ang World Health Organization (WHO) sa iba't-ibang bansa na pabutihin ang gawain ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya. Ngunit, palagiang buong sikap na ina-atake ng pamahalaan ni Trump ang WHO para takpan ang sarili nitong kamalian sa pagharap sa epidemiya, sa halip ng pakikipagkooperasyon sa WHO. Bukod dito, sa napakahigpit na oras ng paglaban ng daigdig laban sa epidemiya, itinigil ng pamahalaan ni Trump ang pagkakaloob ng pondo sa WHO. Ito ay isang "napakalaking hadlang" sa pagharap ng komunidad ng daigdig sa coronavirus.
Ilipat ang pansin at ibaling ang pananagutan sa Tsina
Kasalukuyang nagiging mahigpit ang kalagayang epidemiko sa Amerika, labis na mas mataas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso at namatay nito kumpara sa ibang bansa. Ngunit puspusang iniiwasan ng pamahalaan ni Trump ang sariling responsibilidad at kamalian sa malalang kalagayan ng epidemiya sa loob ng bansa. Buong sikap nitong ibinabaling ang pananagutan sa Tsina para ilipat ang pansin ng mga mamamayan nito.
Sa isang video program ni Fareed Zakaria, host ng Cable News Network (CNN) noong Abril 19, sinabi niya na walang anumang mapapala sa paglutas sa problema ang paninisi ng pamahalaang Amerikano sa Tsina. Aniya, bunsod ng maling pagtasa ng pamahalaan ni Trump, napakabilis na kumakalat ang epidemiya sa Amerika. Upang ilipat ang pansin ng mga mamamayan at takpan ang di-epektibong hakbangin nito, ipinasiya ng Amerika na punahin ang Tsina.
Pero, ang pagbabaling ng Amerika ng pananagutan sa Tsina ay hinding hindi napapabulaanan ang mga natamong bunga ng mga mamamayang Tsino laban sa epidemiya, hindi rin ito nakakatulong sa pagpigil at pagkontrol ng Amerika sa epidemiya sa sariling bansa. Madalas at malaking alitan at hadlang lamang ang naidudulot nito sa pakikibaka ng buong mundo laban sa epidemiya.
Salin: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |