Pinagtibay Huwebes, Mayo 28, 2020 ng National People's Congress (NPC) ng Tsina ang "Kapasiyahan ng NPC Tungkol sa Pagtatatag at Pagkumpleto ng Sistemang Pambatas at Mekanismo ng Pagpapatupad ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) Para sa Pangangalaga sa Seguridad ng Bansa."
Nang sagutin ang tanong ng mamamahayag pagkaraang ipinid ang taunang sesyon ng NPC, sinabi ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na ang kapasiyahang ito ay naglalayong igarantiya ang matatag at pangmalayuang pagtakbo ng Isang Bansa, Dalawang Sistema, at pangalagaan ang pangmalayuang kasaganaan at katatagan ng Hong Kong.
Diin niya, ang Isang Bansa, Dalawang Sistema ay pundamental na patakaran ng Tsina. Sa mula't mula pa'y ipinagdiinan ng pamahalaang sentral ang komprehensibo't tumpak na pagpapatupad ng Isang Bansa, Dalawang Sistema, pangangasiwa ng mga taga-Hong Kong sa Hong Kong, at autonomiya sa mataas na antas, at kinakatigan ang administrasyon ng pamahalaan at punong ehekutibo ng HKSAR, alinsunod sa batas.
Salin: Vera