Sa preskon ng White House nitong Biyernes ng hapon, Mayo 29, 2020 (local time), sinabi ni Pangulong Donald Trump ng Amerika na dahil tinanggihan ng World Health Organization (WHO) ang pagsasagawa ng repormang hinihiling ng panig Amerikano, sususpendihin ng Amerika ang relasyon sa WHO.
Sa isang liham na ipinadala noong Mayo 18 ni Trump kay Tedros Adhanom Ghebreyesus, Direktor-Heneral ng WHO, nagbabala si Trump sa WHO na kung hindi ito gagawa ng "substansiyal na progreso" sa loob ng darating na 30 araw, ititigil ng Amerika ang pagbibigay ng membership fee sa WHO at muling isasaalang-alang kung mananatili o hindi sa organisasyong ito. Pinaulanan ng pagpuna mula sa loob ng Amerika at komunidad ng daigdig si Trump ng kanyang ginawa.
Ayon sa datos na isinapubliko nitong Biyernes ng Johns Hopkins University ng Amerika, lumampas na sa 1.74 milyon ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Amerika, at mahigit 100 libo ang namatay.
Salin: Lito