Ipinadala Martes, Hunyo 9, 2020 nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina at Teodoro Lopez Locsin, Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas ang mensahe sa isa't-isa kaugnay ng pagdiriwang sa ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Wang na nitong 45 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas, malusog at matatag na umuunlad ang relasyong Sino-Pilipino, walang humpay na lumalakas ang pagtitiwalaang pulitikal, lumalalim ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa iba't-ibang larangan, at nananatiling mabuti ang pagkokoordinahan at pagtutulungan ng dalawang panig sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Nakahanda aniya siyang magsikap kasama ni Locsin para maisakatuparan nang mabuti ang narating na mahahalagang napagkasunduan ng dalawang lider, magkasamang harapin at labanan ang hamon ng COVID-19 pandemic, patuloy na mapalalim ang kanilang pragmatikong kooperasyon sa "Belt and Road" at iba pang mga larangan, at mapasulong pa ang komprehensibo't estratehikong relasyong pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Sa kanya namang mensahe, ipinahayag ni Locsin na sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko, napakabilis na umuunlad ang relasyon ng dalawang bansa. Nananalig siyang sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng dalawang panig, magiging mas matibay ang pagkakaibigang Pilipino-Sino, walang humpay na lalalim ang pagtitiwalaan, at matatamo ang mas maraming bunga ng kanilang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.
Salin: Lito