Sa news briefing Martes ng umaga, Hunyo 23, 2020, inilahad ni Wang Lutong, Direktor ng Departamento ng Europa ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang mga pangunahing impormasyong may kinalaman sa ika-22 pagtatagpo ng mga lider ng Tsina at Unyong Europeo (EU).
Aniya, malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang mga lider ng kapuwa panig hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan, na gaya ng kooperasyon kontra pandemiya, kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan, siyensiya't teknolohiya, konektibidad, sustenableng pag-unlad at iba pa.
Isinalaysay din ni Wang ang ilang pangunahing bunga sa nasabing pagtatagpo. Una, pinasigla ang lakas-panulak para sa talastasan sa kasunduan sa pamumuhunan ng Tsina at Europa. Ika-2, ipinatalastas ang paglagda sa kasunduan ng Tsina at Europa sa markang heograpikal sa malapit na hinaharap. At ika-3, nagkaisa ang kapuwa panig ng palagay sa isang serye ng mga mahalagang isyung kinabibilangan ng pagkatig sa multilateralismo at malayang kalakalan, pagtutol sa unilateralismo at proteksyonismo, magkakapit-bisig na pagpapasulong sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, at paggarantiya sa katatagan ng global industry chain at supply chain.
Nitong Lunes, Hunyo 22, matagumpay na idinaos ang ika-22 pagtatagpo ng mga lider ng Tsina at Europa, sa pamamagitan ng video link.
Salin: Vera