Sinabi Hunyo 29, 2020, dito sa Beijing, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na dapat unahin ng ilang opisyal Amerikano na tulad ni Mike Pompeo ang buhay ng mga mamamayan, itigil ang pagpapauna ng personal na kapakanang pulitikal, at igalang ang katotohanan at siyensiya.
Ayon sa ulat, binatikos muli ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika ang Tsina hinggil sa pagtatago ng katotohanan kaugnay ng epidemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Sinabi din niya na hindi angkop ito sa pangako ng Tsina na "unahin ang buhay ng mga mamamayan."
Hinggil dito, tinukoy ni Zhao na sapul nang magsimula ang COVID-19, isinagawa ng Tsina at Amerika ang dalawang magkaibang pamamaraan: ang isa ay "buhay ng mga mamamayan ang inuna," ipinatupad ang isolation, pansamantalang itinigil ang galaw ng lipunan at kabuhayan, para mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan. Samantala ang isa naman ay "inuna ang personal na kapakanang pulitikal." Di lubos na tinanggap ang banta ng epidemiya, inilipat ang sisi, na nagdulot ng lalo pang pagkalat ng epidemiya, at lumikha ng mas malaking kapinsalaan sa mga mamamayan, kabuhayan at lipunan.
Salin:Sarah