Ipinahayag sa Beijing nitong Biyernes, Hulyo 3, 2020 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagsasapubliko at pagpapatupad ng National Security Law sa Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) ay makakatulong sa paggarantiya sa lehitimong karapatan at kapakanan ng mga mamumuhunan ng iba't-ibang bansa sa Hong Kong. Aniya, sasalubungin ng mga bahay-kalakal ng iba't-ibang bansa sa Hong Kong ang mas maliwanag na prospek ng pag-unlad.
Sinabi ni Zhao na sapul nang bumalik ang Hong Kong sa inang bayan, lubos nitong napapatingkad ang sariling espesyal na bentahe, at nagiging mas matibay ang katayuan nito bilang sentro ng pandaigdigang pinansya, transportasyon, at kalakalan. Aniya, ang Hong Kong ay palagiang nananatiling isa sa mga pinakabukas, pinakamasagana, at pinakamasiglang rehiyon sa buong daigdig.
Salin: Lito