Sinabi nitong Huwebes, Hulyo 16, 2020 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa isyu ng Huawei, nawalan ng pagsasarili at sarilinang pagpapasiya ang pamahalaang Britaniko. Aniya, mas malaki ang kapinsalaan na idudulot kaysa benepisyo ang nasabing desisyon.
Ayon sa ulat, inamin nitong Miyerkules ng tagapagsalita ng Punong Ministro ng Britanya na ang sangsyong pinataw ng Amerika sa Huawei Technologies Co. Ltd noong nagdaang Mayo ay sanhi ng pagbabago ng panig Britaniko sa paninindigan sa pagsali ng Huawei sa konstruksyon ng 5G ng Britanya. Sinabi ni Chief Executive Philip Jansen ng British Telecom na ang kapasiyahan ng pamahalaan hinggil sa Huawei ay nakakaapekto sa takbo at kapital ng kanyang kompanya.
Kaugnay nito, saad ni Hua, nitong nakalipas na 20 taon, ang kooperasyon sa pagitan ng Huawei at panig Britaniko ay lumikha ng mas maraming hanap-buhay sa Britanya, at gumawa ng positibong ambag para sa konstruksyon ng imprastruktura nito sa aspekto ng telekomunikasyon. Ang ban ng Britanya sa Huawei ay makakapinsala sa sariling kapakanan, aniya.
Dagdag niya, dapat mataimtim na pakinggan ng pamahalaang Britaniko ang makatarungang pananaw sa loob ng bansa, at gawin ang pagpiling angkop sa pundamental at pangmalayuang kapakanan ng bansa, batay sa responsableng pakikitungo.
Salin: Vera