Bilang tugon sa pagbabawal ng pamahalaang Britaniko sa paggamit sa bansa ng mga kasangkapan ng Huawei Company, telecom giant ng Tsina, tinukoy nitong Miyerkules, Hulyo 15, 2020 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang aksyong ito ay malubhang nakakapinsala sa lehitimong kapakanan ng bahay-kalakal ng Tsina, at grabeng nakakaapekto sa pundasyon ng pagtitiwalaan ng kooperasyong Sino-Britaniko.
Ayon sa ulat, mula katapusan ng kasalukuyang taon, ipagbabawal ng pamahalaang Britaniko ang pagbili ng mga British telecom operator ng anumang 5G equipment mula sa Huawei Company, at aalisin din sa bansa ang lahat ng umiiral na 5G network equipment ng Huawei bago pumasok ang taong 2027.
Diin ni Hua, komprehensibo at solemnang tatasahin ng panig Tsino ang nasabing pangyayari.
Isasagawa rin aniya ng Tsina ang lahat ng kinakailangang hakbangin para mapangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng bahay-kalakal ng bansa.
Salin: Lito