Idinaos kamakailan sa Beijing ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ang simposyum ng mga personaheng di kasapi sa CPC para pakinggan ang mga palagay at mungkahi mula sa mga non-CPC individuals tungkol sa kasalukuyang kalagayang pangkabuhayan at gawaing pangkabuhayan sa susunod na kalahating taon.
Nangulo at bumigkas ng talumpati sa simposyum si Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ipinagdiinan niya na dapat tumpak na alamin ang kasalukuyang situwasyong pangkabuhayan, at malalim na imbestigahan at pag-aralan para ibayo pang mapasulong ang komprehensibong reporma, aktibong lutasin ang iba't-ibang problemang kinakaharap ng pag-unlad, resolbahin ang panganib, hamon, at napakalaking presyur mula sa iba't-ibang aspekto.
Dagdag pa ni Xi, may matatag na kompiyansa, kakayahan, at katalinuhan para mapagtagumpayan ang iba't-ibang uri ng panganib at pagsubok. Hindi mahahadlangan ng anumang bansa at sinuman ang historikal na hakbang sa pagsasakatuparan ng dakilang pag-ahon ng Nasyong Tsino.
Salin: Lito