Ayon sa pinakabagong ulat na ipinalabas kamakailan ng International Monetary Fund (IMF) hinggil sa "Ulat ng Prospek ng Kabuhayang Pandaigdig," tinatayang sa kasalukuyang taon, bababa ng 3% ang kabuhayang pandaigdig. Ito anito ang magiging pinakagrabeng resesyong pangkabuhayan, sapul nang Great Depression noong dekada 30.
Kaugnay nito, tinukoy ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na tulad ng sinabi ng IMF, ang nararanasan ngayon ay tunay na pandaigdigang krisis, at walang anumang bansa ang kayang makakaligtas dito. Aniya, sa kasalukuyang masusing panahon, lubos na kailangang igiit at tupdin ng komunidad ng daigdig ang ideya ng pagtatatag ng Komunidad ng Pinagbabahaginang Kapalaran ng Sangkatauhan, at magkaisa upang bakunahan ang kompiyansa, paramihin ang lakas sa kabuhayang pandaigdig at magkakasamang pawiin ang mga umiiral na kahirapan.
Diin ni Zhao, dapat totohanang isabalikat ng mga pangunahing ekonomiya ang kanilang responsibilidad at mataimtim na isakatuparan ang natamong bunga ng G20 Extraordinary Leaders' Summit. Kailangan aniyang gamitin ang mga kagamitang gaya ng salapi, pinansiya, at patakaran, at isagawa ang hakbangin sa dalawang aspekto ng pangangailangan at pagsuplay para mapatatag ang inaasahan ng merkado at mapataas ang pleksibilidad ng kabuhayan. Bukod dito, sinabi pa ni Zhao, na dapat pangalagaan ang bukas na kabuhayang pandaigdig, kanselahin ang taripa at iba pang mga limitasyon sa kalakalan.
Patuloy at koordinadong isusulong ng Tsina ang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya at pagpapaunlad ng kabuhayan at lipunan, aniya. Samantala, binigyan-diin niyang buong tatag at walang tigil na palalawakin ang pagbubukas sa labas upang makapagbigay ng positibong ambag para sa katatagan ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Lito