Ayon sa ulat, sanhi ng malubhang kalagayang epidemiko ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR), ipinatalastas ni Carrie Lam, Punong Ehekutibo ng HKSAR, ang pagpapaliban ng isang taon sa ika-7 Legislative Council election na nakatakdang sanang idaos sa Setyembre 6, 2020 Nakatawag ito ng malaking pansin ng ilang bansa.
Tungkol dito, tinukoy sa Beijing nitong Lunes, Agosto 3, 2020 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa harap ng mahigpit na kalagayan ng epidemiya, ang pagpapaliban ng pamahalaan ng HKSAR ng nasabing halalan ay makatwirang kapasiyahan para proteksyunan ang seguridad ng buhay at kaluusgan ng mga mamamayan ng Hong Kong.
Diin niya, ang Hong Kong ay espesyal na rehiyong administratibo ng Tsina. Ang Legislative Council election ng Hong Kong ay halalang rehiyonal ng Tsina, at walang karapatan ang anumang dayuhang pamahalaan na panghimasukan dito, dagdag pa niya.
Idaraos ang halalan sa Setyembre 5, 2021 ayon sa bagong itinakdang petsa.
Salin: Lito