Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Inobatibong paraan ng pagpapalusog ng katawan at isipan, panuntunan ng Pilipinas at Tsina: Ika-12 Pambansang Araw ng Kalusugan, idaraos ng Tsina

(GMT+08:00) 2020-08-06 16:56:39       CRI

Dahil sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), nanlulupaypay ang pandaigdigang ekonomiya: maraming kompanya ang napilitang magsara, di-mabilang ang nawalan ng trabaho, at nagbago ang paraan ng ating pamumuhay at pakikisalamuha.

Isa sa mga grabeng tumanggap ng malakas na suntok at tadyak ng pandemiya ay ang industriya ng kalusugan (martial arts and fitness industry).

Sa Pilipinas at Tsina, maraming gym ang nagsara, sinuspinde ang ibat-ibang aktibidad pampalakasan, at kinaharap ng mga negosyante ang malaking hamon.

Dahil dito, nagmukhang tapos na ang bakbakan para sa industriyang ito.

Pero, tapos na nga ba?

Tayong mga Pilipino ay may kasabihang, "Ang tagumpay ay dumarating pagkatapos ng pagdarahop," at isa ito sa mga panuntunang kapuwa pinaniniwalaan ng mga Pilipino at Tsino.

Alinsunod sa panuntunang ito, maraming inobatibong pamamaraan ng pagpapalusog ng katawan at isipan ang nagsusulputan kapuwa sa Pilipinas at Tsina, na pinakikinabangan ng industriya at mga karaniwang tao.

Pag-usbong ng online fitness

Dahil sa "bagong kalagayan," nagsimulang maging popular sa kapuwa Pilipinas at Tsina ang mga ensayo sa bahay o home workout - isa ito sa mga mahalagang adaptasyong ginawa ng industriya ng kalusugan.

Sa pamamagitan ng livestreaming at social media, maraming fitness class na tulad ng aerobics, pagsasayaw, Yoga, Pilates, Muay Thai, Boxing, Brazilian Jiu jitsu, Arnis/Eskrima, Chinese Wushu at marami pang iba ang ginagawa.

Gamit ang Facebook, Instagram, Zoom at iba pang aplikasyon, inilunsad ng mga Pilipinong tagapagturo ng Boxing at Muay Thai, na tulad nina Ray Biagtan, Ryan Willis, Lando Espinosa, Franklin Albia, at iba pa ang kanilang mga online na klase.

Sa katulad na paraan, marami sa mga tagapagturo ng Arnis/Eskrima na tulad nina Grandmaster Monie Velez ng World Original Balintawak Arnis Group (WOTBAG), Grandmaster Nene Gaabucayan ng NNG Balintawak International, Maestro Ray Biagtan ng Biagtan Cinco Teros, Guro Gerard Pilapil ng Ensayo Eskrima at marami pang iba ang nagsasagawa at magsasagwa ng mga online na klase.

Anila, ang mga klase sa online na plataporma ay magandang alternatibo upang maibangon ang industriya ng kalusugan sa gitna ng pandemiya.

Ito rin anila ay magpapalakas ng kamalayan ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng mahusay na kalusugang pang-isip, lalo na sa panahon ng kuwarentina.

Sa bisa ng Republic Act 9850, idineklara ang Arnis/Eskrima bilang pambansang sining ng pakikipagdigma at palakasan ng Pilipinas.

Bukod dito, mayroon na ring mga gym sa Metro Manila ang nag-aalok ng online na klase, at ilan sa mga ito ay: Ride Revolution, Electric Studio, Saddle Row, Ultra Lagree, Barre3, Rebel Yoga, Habitat Crossfit, at Nude Floor.

Samantala, sa Tsina, parami nang paraming mamamayan ang nahihilig sa pag-e-ehersisyo, upang magkaroon ng malakas na immune system at malusog na pangangatawan at isipan.

Kaugnay nito, ipagdiriwang sa Agosto 8, 2020 ang Ika-12 Pambansang Araw ng Kalusugan ng Tsina, okasyong maikokonsidera bilang muling pagbuwelo, habang niyayakap ang mga pagbabagong kaakibat ng bagong situwasyon sa lipunan.

Bago pa man manalasa ang epidemiya, inilunsad na ng PPTV (sports video website) at Keep (fitness app) ang kanilang mga in-home fitness course na idinisenyo para sa lahat ng edad.

Ayon kay Serena Li, Public Relations Director ng Keep, sa huling bahagi ng 2019, may plano na ang kanyang kompanya na itaas ang bilang ng kanilang mga live streaming class, pero, dahil sa pagkalat ng pandemiya, ang nasabing plano ay isa na ngayong realidad.

"Sa loob lamang ng 10 araw, naisagawa namin ang planong ito," dagdag niya.

Nakipagkooperasyon din ang Keep sa Douyin o mas lalong kilala sa tawag na "Tiktok," upang pamahalaan ang aspeto ng live streaming ng mga klase.

Samantala, ayon kay Chai Guohui, tagapagtatag ng isang fitness app, napilitang magturo ng mga online na klase ng Chinese Wushu ang kanyang mga trainer dahil sa patuloy na pagdami ng pangangailangan sa pag-aaral ng martial arts, at pagpapabuti ng kalusugan sa panahon ng pandemiya.

Umakyat naman sa mahigit kalahating milyon ang mga tagasunod ni Binibining Song Fei, sa video sharing platform na Bilibili, dahil sa pagbabahagi niya ng mga wellness at beauty tip na nagsisilbing malaking tulong para sa mga kababihang nagnanais maging malusog habang nasa bahay.

Sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR), dahil sa pagsasara ng mahigit 1,000 gym, umusbong din ang mga klase ng online fitness.

Si Ng wun-po, ay fitness trainer, at dahil sa bagong kalagayan, nagpo-prodyus na siya ngayon ng mga video na nagtuturo sa mga tao kung paano mapanatiling malusog ang pangangatawan gamit ang mga fitness equipment sa bahay.

Mga 3 video ang ginagawa ni Ng kada linggo at ini-a-upload niya ang mga ito sa Facebook at Instagram.

Naniniwala si Ng na sa pamamagitan ng pag-a-upload ng mga video, maibabahagi niya sa mas maraming tao ang mahahalagang ensayo habang sila ay nasa bahay, at isa ring oportunidad para sa industriya upang umahon sa pagkalugmok.

Samantala, ang tatak na Pure, isa sa pinakamalaking fitness at yoga chain sa Hong Kong ay sumunod na rin sa tunguhing ito.

Ayon kay Terence Chau, Chief Executive Officer (CEO) ng Asian Academy for Sports and Fitness Professionals (AASFP), ang mga livestream na klase ay malaking tulong para sa mga trainer at kliyente upang magkaroon ng komunikasyon habang nasa bagong kalagayan, kahit ang mga kliyente ay nasa ibang bansa.

Maliban sa pagtaas ng pangangailangan sa mga online na klase, tumaas din ang pangangailangan sa mga kagamitang pang-ehersisyo na ginagamit sa bahay.

Ayon sa Decathlon Hong Kong, isang sporting goods retailer, popular ngayon sa mga offline at online na tindahan nito ang mga kagamitang gaya ng resistance band at dumbbell.

Totoong ang pandemiya ay naglatag ng negatibong epekto sa industriya ng kalusugan, at posibleng hindi ito kaagad makarekober.

Pero, matibay ang paniniwala ni Terence Chau, na ang pandaigdigang problemang ito ay magiging mabuting oportunidad sa muling pag-usbong ng industriya.

"Batid na ngayon ng maraming tao ang kahalagahan ng malakas na immune system, malusog na pangangatawan at balanseng pag-iisip sa pamamagitan ng pag-e-ehersisyo, kaya naman maraming kliyente ang papasok sa industriya, sa kapuwa offline at online na plataporma sa hinaharap," paliwanag niya.

Sa lunsod Lanzhou, kabisera ng lalawigang Gansu, sa gawing kanluran ng Tsina, sa kabila ng muling pagbubukas ng mga gym at iba pang lugar pampalakasan, maliit pa rin ang bilang ng mga nagbabalik upang mag-ehersisyo.

Kaya naman, sa tulong ng mga kasamahan, itinatag ni Peng Yidong, tagapamahala ng isang gym sa Lanzhou, ang isang WeChat group (kilalang social media platform sa Tsina) para sa online na pagtuturo.

"Noong una, isa o dalawang kliyente lamang ang sumasali araw-araw, pero, kalaunan, lumaki ang bilang," saad ni Peng.

Balik ensayo sa gym

Sa kabilang dako, mayroon din namang mga taong mas gustong magbalik sa gym.

Matapos mahinto ang klase ng Yoga sa kanyang gym, bumili ng sariling Yoga mat, nag-download ng app, at sumunod sa ilang online influencer ang 27 taong gulang na freelance journalist sa Hong Kong na si alyas Liu.

Aniya, ang klase sa online na plataporma ay nakakapagbigay ng mas maraming pagpipilian, pero, mas gusto pa rin niya na mayroong trainer na nagtuturo sa kanya kung ano ang dapat na gawin.

Sa sandaling matapos ang pandemiya, babalik si Liu sa pag-e-ehersisyo sa gym.

Samantala, mayroon din namang gustong magbalik-ensayo sa gym at kumukuha pa ng propesyunal na trainer.

"Nang muling magbukas ang aking gym, kumuha agad ako ng personal trainer para tulungan ako sa anaerobic exercise at sa pagpili ng tamang pagkain," ani Zhang Peng, isang mahilig sa pag-e-ehersisyo na taga-Lanzhou.

Dati, hindi masyadong disiplinado sa pag-e-ehersisyo si Zhang, pero ngayon, gusto niya ang mas kostumisadong ensayo, dahil nais niyang magkaroon ng maganda at malusog na pangangatawan.

Kada linggo, hilig naman ni Binibining Li Ming, isang office worker sa Lanzhou ang pagsali sa dance fitness class.

"Gustung-gusto ko ang pagsasayaw sa gym, dahil hindi masyadong masaya at di-nakaka-relaks ang pagsasayaw sa bahay. Pinalalakas ng pagsasayaw ang aking katawan, at pinakakalma rin ako nito sa pamamagitan ng musika. Ito ay episyente at nakatutuwang paraan ng pag-e-ehersisyo," aniya.

Sinabi pa ni Li, na mayroon na ngayong 15 ibat-ibang uri ng klase sa kanyang gym, na kinabibilangan ng Yoga, Kickboxing at Pilates.

Para naman maibalik ang dating bitalidad ng industriya ng kalusugan, sinabi ni Xu Qi, isang personal trainer sa Lanzhou, na kasabay ng pagtaas ng kamalayan sa pagkakaroon ng malusog na katawan at isipan, tumaas din ang ekspektasyon ng mga kliyente sa kalidad ng serbisyong natatanggap nila.

Kaya naman ang mga trainer aniya ay nararapat lamang na magkaroon ng mas mataas na istandard ng kaalaman.

"Sa ngayon, ang mga tao ay hindi lamang nagpupunta sa mga gym para magkaroon ng maganda at malusog na katawan, nagkakaiba ang kanilang mga layunin: gusto ng mga teenager na magbawas ng timbang, samantalang kailangan namang mabawi ng mga nanay ang kanilang nawalang bitalidad dahil sa pagdadalang-tao at panganganak. Kailangang may malawak na kaalaman ang mga trainer," paliwanag ni Xu.

Hamong kinakaharap ng online fitness

Totoong ang online fitness training ay isang inobatibong paraan ng pagpapanatili ng pisikal at mental na kalusugan, subalit ito ay may mga limitasyon at may mga kinakaharap na hamon.

Dahil ang trainer ay hindi pisikal na kasama ng mga kliyente, kailangan niyang magkaroon ng mabuti at malawak na kakayahan sa pagtuturo at pagpapaliwanag ng mga espisipikong galaw at kung bakit ginagawa ang mga ito.

Ang katangiang ito ay esensiyal upang mabuting magawa ng mga kliyente ang mga ehersisyo, at hindi sila mawalan ng interes sa pag-e-ensayo.

Nariyan din ang isyung teknikal at koneksyon ng Internet: kailangang may maayos na koneksyon ng Internet ang kapuwa trainer at estudyante upang maging diretso ang takbo ng kanilang klase.

At siyempre, kailangan ding may akmang kagamitan at lugar pang-ensayo ang mga estudyante para sa mga gagawing uri ng ehersisyo.

Lahat ito, at marami pang iba ay mga hamong kinakaharap ng ensayo sa online na plataporma, pero kung may matalino at inobatibong pamamaraan, ang lahat ng hamon ay mapagtatagumpayan.

Sa pamamagitan ng malikhaing pagsasa-ayos, mula sa tradisyonal na paraan tungo sa kagawiang akma sa bagong panahon at teknolohiya, maraming trabaho ang magagawa at muling uusbong ang industriya ng kalusugan, hindi lamang sa Pilipinas at Tsina, kundi sa buong mundo.

Source:

https://news.cgtn.com/news/2020-05-25/Silver-lining-for-China-s-fitness-industry-amid-COVID-19-outbreak-QLYRuQqtaM/index.html

https://news.cgtn.com/news/2020-03-31/Discover-the-world-of-online-fitness-during-the-COVID-19-pandemic-P9jWHcrPc4/index.html

https://www.chinadaily.com.cn/a/202005/22/WS5ec797e9a310a8b241157ad8_1.html

https://www.globe.com.ph/go/sports-fitness/article/fitness-studios-online-classes.html

http://www.xinhuanet.com/english/2020-06/08/c_139123469.htm

Ulat: Rhio Zablan

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>