Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Rebolusyonaryong diwa ng mga Pilipino, inspirasyon ng mga Tsino sa paghahanap ng kalayaan: kasabay ng Araw ng mga Bayani ng Pilipinas, Ika-75 Anibersaryo ng Chinese People's War of Resistance Against Japanese Aggression at World Anti-Fascist War, ginunita

(GMT+08:00) 2020-09-03 16:19:16       CRI

Sa artikulong ito, matutunghayan ang mga makasaysayang sandali ng pagpupursige at pagtutulungan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino, tungo sa landas ng kani-kanilang kasarinlan, pagpapahalaga sa kapayapaan, at pagsasakatuparan ng komong kaunlaran.

Sa bisa ng Republic Act 9492, ipinagdiriwang tuwing huling araw ng Lunes sa buwan ng Agosto ang "Araw ng mga Bayani," at para sa taong ito, ang pagdiriwang ay natapat sa Agosto 31.

Ang "Araw ng mga Bayani" ay para sa pagbibigay-pugay sa lahat ng nagpunyagi, nakipaglaban at nagbuwis ng buhay para makamtan ng Pilipinas ang kalayaan, at ito rin ay paggunita sa makasaysayang "Sigaw ng Pugad Lawin" o "Sigaw ng Balintawak," kung saan pinunit ni Andres Bonifacio at mga Katipunero ang kanilang mga cedula noong 1896, bilang tahasang pagsuway at deklarasyon ng malawakang pakikipagdigma ng mga Pilipino laban sa mga mananakop na Kastila.

Ito ang naging mitsa upang magliyab ang apoy ng pag-ibig sa tinubuang lupa ng mga Pilipino, na nagtapos sa pagatatayo ng unang republika sa Asya noong Hunyo 12, 1898.

Subalit, sadyang marami ang nais sumakop sa tinaguriang "Perlas ng Silangan."

Sa kabila ng pagkukunwari ng mga Amerikano na sila ay kaibigan, agad ding nailantad ang kanilang tunay balak.

Matapos ang pataksil nilang pagkubkob sa Intramuros; pagbili sa Pilipinas mula sa Espanya sa halagang $20 milyong dolyar sa 1899 Treaty of Paris, kung saan hindi pinayagang magkaroon ng kinatawan ang Pilipinas; at pagbaril ng kanilang mga sundalo sa mga di-armadong sundalong Pilipino sa Tulay ng San Juan, muling tumunog ang mga tambuli at tambol ng digmaan.

Noong 1902, mahigit 40,000 Pilipino ang kinitilan ng buhay ng mga Amerikano sa tatlo taong Philippine-American War, at bagamat, hindi nagwagi, ipinamalas ng mga Pilipino sa buong mundo, na kailanman ay hindi sila susuko sa pagtatanggol at paghahanap ng kasarinlan ng Inang Bayan, maging kapalit man nito ay kanilang buhay.

Di-naglaon, ang mga Hapon naman ang dumating at nagtangkang sakupin ang Pilipinas noong 1942.

Salat man sa tangke, kanyon, baril, bala at iba pang makabagong kagamitan, hindi kailanman nagkaroon ng kakulangan sa tapang at kagitingan ang mga Pilipino.

Tulad nina Lapu-lapu, Lakan Macabebe (Brave Youth), Rajah Sulayman, Sultan Kudarat, at marami pang iba, ang mga Kris, Kampilan, Barung, Pira, Talibong at Ginunting ang ipinanlaban ng mga Pilipino sa mga mananakop na Hapones, bagay na nagbunsod upang kilalanin at galangin ng mga Hapon ang kakayahan at giting ng mga Pilipino sa pakikipagdigma.

Ang pagpupunyagi para sa kasarinlan na ipinamalas ng mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga mananakop na Espanyol at Amerikano ay nagsilbing inspirasyon para sa ibang bansa sa Asya upang hanapin ang sariling kalayaan, at isa sa mga bansang ito ay ang Tsina.

Kaugnay nito, nabuo ang pag-uugnayan, pagkakaibigan at pangako ng mutuwal na pagtutulungan sa pagitan nina Heneral Emilio Aguinaldo at Dr. Sun Yat-sen, kilalang rebolusyonaryong lider ng Tsina.

Sa pag-aaral ni Teresita Ang See na pinamagatang, "Shared History, Shared Destiny: The ethnic Chinese, China revolutionists and the Philippine revolution," sinabi niyang ang mga Pilipino at Tsino ay dalawa sa mga pinakanaunang mamamayan ng Asya na naghangad ng kalayaan.

Aniya, habang kinakalas ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang tanikala ng pang-a-alipin ng kanluran noong huling dako ng 1890, kasabay nilang nagpupuyagi ang mga Tsino upang palayain ang sarili mula sa kabuktutan ng imperyal na pamamahala.

Sinabi niyang, tinitingala ng mga rebolusyonaryong Tsino at nagsilbing kanilang inspirasyon ang mga rebolusyonaryong Pilipino dahil taglay ng mga ito ang tapang at lakas upang labanan ang dalawang (Espanya at Amerika) dayuhang kolonyalista.

Sa kabilang banda, ang sigasig sa paghahangad ng reporma ng mga rebolusyonaryong Tsinong gaya nina Liang Qichao, Kang Yuwei at Dr. Sun Yat-sen ay nagkaroon din ng malaking impluwensiya sa Timog-silangang Asya, maging sa Pilipinas.

Dahil sa sigasig na ito, bumuhos ang pinansiyal at lohistikal na suporta para kay Dr. Sun, at nagkaroon ng mabilis na pag-unlad ang usapin ng paghahangad ng kalayaan sa Tsina, at Timog-silangang Asya.

Mahigpit na habi ng pinagbabahaginang kapalaran at komong pangarap para sa kalayaan

Maliban kay Heneral Jose Ignacio Paua (isang purong Tsino), napakarami pang ibang Tsino ang nakipaglaban at nagbuwis ng buhay para sa kasarinlan ng Pilipinas, at ang kanilang kontribusyon ay di-maikakailang bahagi ng kasaysayan ng bansa.

Ayon sa artikulo ni Shi Gong hinggil sa biyograpiya ni Heneral Paua, na inilathala sa 1977 Journal ng Singapore Nan-An Village Association, nasa 3,000 rebolusyonaryong Tsino ang nakipaglaban para sa kasarinlan ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ng nasabing heneral.

Kaugnay nito, sinabi mismo ni Emilio Aguinaldo, na napakarami ng mga Tsinong sumusuporta sa rebolusyong Pilipino, at ang mga direktang nakipagdigma bilang mga sundalo ay napakarami rin.

Ang mga Tsino ay kaalyado ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa magkasamang pakikipagdigma para sa kalayaan, dagdag ni Aguinaldo.

Isa sa mga 13 martir ng Cavite ay si Francisco Osorio, anak ng isang kilalang negosyanteng Tsino.

Ayon sa historyador na si Rafael Guerrero: "Kalmado si Francisco Osorio at hindi siya tumangis kahit sa sandali ng kanyang pagbitay."

Samantala, nakalagay naman sa Philippine Revolutionary Records (PRR), ang listahan ng mga pangalan ng 160 rebolusyonaryong taga-Binondo na hinuli ng mga Espanyol at kabilang dito si Gregorio Sy Quia, biyenan ni dating Pangulong Elpidio Quirino; at mga personahe ng isang rehimento sa Binondo.

Dagdag pa riyan, nakumpiska rin ng mga Espanyol ang mga munisyon at bala sa sementeryo ng Binondo; at natagpuan ang mga bolo at mga uniporme ng mga rebolusyonaryo sa mga sikretong lugar sa likod ng maliliit na tindahan sa Binondo.

Higit sa lahat, nakasaad sa nasabing listahan ang mga nagbigay ng buwanang kontribusyon sa rebolusyon: mga pangalang tulad nina Tan-Cao, Tao-Chien, Loa Tico, Tan Dianco, Loa-Siengco, Yu-Dongco, Lao-Chichon, Angguico, Guison, Guason, at Quionson, na maaaring mestiso o purong Tsino.

Ayon pa sa PRR, mga materyal na kagamitan ang kadalasang ibinibigay na tulong ng mga Tsino sa mga rebolusyonaryo.

Sa kanyang aklat na pinamagatang "Republic or Empire: American Resistance to the Philippines," na isinulat ni Warby Daniel Schirmer, ang desisyon ni dating Pangulong William McKinley ng Amerika na sakupin ang Pilipinas ay naka-ugnay sa ambisyon ng Amerika na sakupin din ang Tsina.

Ayon sa naturang aklat, balak ng mga Amerikanong gamitin ang Pilipinas bilang entablado upang mapasok, salakayin at sa bandang huli, sakupin ang napakalaking pamilihan, na Tsina.

Maliwanag nitong ipinakikita kung gaano kahigpit ang pagkakahabi ng kapalaran ng Pilipinas at Tsina.

Ang dalawang bansa ay may komong kapalaran, lumaban sa komong kaaway, at nangarap para sa komong layunin ng pag-unlad, na parang magkarugtong sa iisang pusod.

Samantala, sa kanilang pagkikita sa Yokohama, Hapon noong Hunyo 1898, humingi ng tulong si Mariano Ponce (noon ay Kinatawan ng Pilipinas sa Hapon) kay Dr. Sun Yat-sen para sa pagbili ng mga armas.

Daglian namang sumang-ayon si Dr. Sun at tumulong sa pagbili ng 2 shipment ng armas.

Ang unang shipment ay inilulan sa barkong Nonubiki Maru, pero sa kasamaang palad, lumubog ang barko sa dagat na malapit sa lalawigang Zhejiang, gawing silangan ng Tsina.

Ang ikalawang shipment ay hindi rin nakarating dahil hinadlangan ng mga pamahalaang Hapones at Amerikano ang paglalayag ng barkong naglululan ng mga armas.

Sa kabila nito, nagpadala pa rin ng mga sundalong Tsino si Dr. Sun sa Pilipinas upang suportahan ang mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga Amerikano.

Sa mundo naman ng literatura, isa ang rebolusyonaryong Tsinong si Liang Qichao sa unang mga nagsalin ng "Mi Ultimo Adios" ni Dr. Jose Rizal sa wikang Tsino.

Inenkorahe ni Liang ang mga mamamayang Tsino na pag-aralan ang halimbawa ng mga Pilipino bilang instrumento sa paghahanap ng sariling kasarinlan at kalayaan.

Ipinahayag din niya ang paghanga sa di-natitinag na katangian at matatag na determinasyon ng mga Pilipino sa paglaban sa mga mananakop.

Ika-75 Anibersaryo ng Tagumpay ng mga Mamamayang Tsino sa War of Resistance Against Japanese Aggression, salaming pangkasaysayan tungo sa pagpapahalaga sa kapayapaan

Katulad din ng ipinamalas na dedikasyon at kagitingan ng mga Pilipino sa kanilang pakikipagdigma sa mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII), ipinakita rin ng mga mamamayang Tsino ang kanilang di-natitinag na determinasyon sa Chinese People's War of Resistance Against Japanese Aggression na nagsimula noong 1931 at nagtapos sa walang pasubaling pagsuko ng Hapon noong 1945.

Tuwing ika-3 ng Setyembre kada taon, ipinagdiriwang ng mga mamamayang Tsino ang kanilang makasaysayang tagumpay sa digmaang ito, kasabay ng tagumpay sa World Anti-Fascist War.

Ang WWII ay isang desididong labanan sa pagitan ng katarungan at kasamaan, sa pagitan ng liwanag at kadiliman, at sa pagitan ng progreso at pagkalugmok.

Noong panahong ito, ang Pilipinas at Tsina ay dalawa sa mga bansa sa Asya na dumanas ng matinding pasakit at kalupitan sa kamay ng mga Hapones.

Libu-libong sundalong Pilipino at daan-daang sundalong Amerikano ang namatay dahil sa makahayop na Death March mula Mariveles, Bataan hanggang Capas, Tarlac.

Bukod pa riyan milyun-milyong iba pa ang namatay at naapektuhan ng digmaan mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Gayundin, mahigit 300,000 residente ng lunsod Nanjing (noon ay kabisera ng Tsina) ang walang-awang pinagpapaslang ng mga mananalakay na Hapones, at ayon sa pagtasa, nasa 35 milyon, na kinabibilangan ng mga sibilyan at sundalo ang namatay sa buong Tsina.

Pero, mahirap man ang pinagdaanan, napakalaki man ng sakripisyo, at napakarami man ang naibuwis na buhay, nagawa pa ring magtagumpay ng mga mamamayan ng dalawang bansa laban sa mga mapanalakay na Hapones sa pamamagitan ng di-natitinag na pagpupunyagi at di-nauubos na kagitingan.

Ang karanasan, kung hindi nakalimutan ay magsisilbing patnubay sa kinabukasan.

Ang pag-ala-ala sa digman ay magbibigay ng pagkakataon sa lahat ng mga may-kinalamang bansa upang pagnilayan ang mga aral ng nakaraan at nang sa ganoon ay mag-ambag sa pagtatayo ng mas mabuting kinabukasan para sa lahat.

Magsilbi sana itong makabuluhang paala-ala kung gaano kahalaga ang mapayapaang pakikipamuhayan sa pagitan ng mga bansa.

Source:

https://nationaltoday.com/national-heroes-day/

https://www.philstar.com/opinion/2019/09/08/1949886/historical-friendship-between-chinese-and-filipinos

http://epaper.chinadaily.com.cn/a/202009/02/WS5f4eda2ca310d95bf733edc6.html

https://www.chinadaily.com.cn/a/202007/07/WS5f042309a310834817257c87.html

Artikulo: Rhio Zablan

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>