Ang pagkakapatas ng kababaihan at kalalakihan ay pambansang patakaran ng Tsina. Sa katunayan, naitatag sa Tsina ang komprehensibong sistema para mapangalagaan ang karapatan at interes ng mga babae, at kabilang dito ang mahigit 100 batas at regulasyon. Kaugnay nito, ang Tsina ay itinala ng World Health Organization bilang isa sa sampung bansang pinakamahusay sa paggarantiya ng kalusugan ng mga babae at bata.
Ito ang ipinahayag nitong Huwebes, Oktubre 1, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang talumpating naka-video sa Pulong ng United Nations (UN) bilang Paggunita sa Ika-25 Anibersaryo ng Fourth World Conference on Women.
Dagdag pa ni Xi, sa Tsina, halos wala nang diperensiya sa kasarian o gender gap sa edukasyong kompulsaryo.
Kasabay nito, ang mga babae ay katumbas ng 40% ng lakas-manggagawa ng bansa, at mahigit kalahati ng mga nagsisimula ng negosyong pang-Internet ay pawing kababaihan, saad ni Xi.
Salin: Jade
Pulido: Rhio