|
||||||||
|
||
March 22, 2015 (Sunday)
Magandang-magandang gabi. Ito ang inyong loving DJ para sa Gabi ng Musika atbp.
Quote for the day: "If you know you are going to fail, fail gloriously."-- Cate Blanchett
Kumusta na? Okay lang ba kayo riyan? Sana walang problema, ha? At kung mayroon man, labanan ang problema. Huwag na huwag kayong pagugupo sa problema dahil kayang-kaya ninyong igupo iyan kung gugustuhin ninyo. Sabi nga ng mga makaranasang tao, "Kung may problema, may solusyon." Kaya, relax lang kayo. Cool, men, cool.
Bukod sa mga piling awitin, tampok din sa programa ngayong gabi ang mga SMS, e-mail at snail mail mula sa mga tagapakinig at ang pinananabikan ng marami na Chinese recipe. Kaya, huwag kayong aalis sa tabi ng inyong mga radyo at samahan ninyo ang inyong loving DJ sa susunod na 20 minuto dito sa gabi ng musika atbp.
Mga piling mensahe...
Sabi ni Audrey ng Pulang Lupa, Las Pinas: "Oo, marami nga tayong problema sa bansa pero hindi nangangahulugan na dapat nang bumaba sa puwesto si Pangulong Aquino. Kung meron tayong alam na solusyon sa problema, ipaalam natin sa kinauukulan. Kung talagang makukumbinse ang ating mga kinauukulan sa ating solusyon, siguradong isasa-alang-alang nila ang ating suhestiyon."
Sabi naman ni Chona ng M. Adriatico, Ermita: "Gusto ko ang style ng inyong pagluluto. Madalas sa huli ninyo inilalagay ang bawang. Nakakain ito nang medyo sariwa pa at hindi tostado. Sinubok ko na rin ito nang ilang ulit. Maganda iyan. Hindi nawawala original taste ng ibang sahog."
Maraming salamat sa inyong mga mensahe, Chona at Audrey.
THE RIGHT THING TO DO
(CARLY SIMON)
Iyan, narinig ninyo ang awiting "The Right Thing to Do," na inihatid sa ating masayang pakikinig ni Carly Simon. Ang track na iyan ay lifted sa kanyang "No Secrets" album.
Kayo ay nakikinig sa himpilang China Radio International at sa programang Gabi ng Musika atbp. ng Serbisyo Filipino. Ito si Ramon Jr., ang inyong loving, ever loving DJ.
Bigyang-daan natin ang ilang text messages...
Sabi ni Edwin ng Barrio Kapitolyo, Pasig: "Kakaiba talaga pulitika rito sa atin. Tingnan niyo sa Makati, dalawa ang mayor. Pareho bang may bisa mga pirma nila?"
Sabi naman ni Margie Reyes ng Bulacan, Bulacan: "Patuloy sa pananalasa ang mga miyembro ng ISIS at patuloy din sa pagri-recruit. Sana huwag patulan ng mga kababayan natin. Kitang kita na objective nila."
Sabi naman ni KC Orioste ng Lumban, Laguna: "Hindi magandang halimbawa iyong ginagawa nating puwersahang pagpapaalis ng pangulo. Tuwing may hindi tayo nagugustuhan sa nakaupong pangulo, gusto natin tanggalin nang puwersahan."
Sabi naman ni Lara Carpio ng Shunyi, Beijing, China: "Unti-unti nang nalalantad ang tunay na layon ng mga pulitiko nating mahilig magpa-epal: gusto nilang tumakbo sa 2016 either as president o vice-president.
Sabi naman ni Isko ng Lemery, Batangas: "Maganda iyong naisip ninyong pagbubukas ng Filipino language course diyan sa isang tanyag na university sa Beijing. Ito ang tamang panahon para matutuhan ng mga Chinese ang Filipino culture."
Thank you so much sa inyong mga SMS.
PAGKARAAN NG ISANG LIBONG TAON
(LAM JUNJIE)
Iyan naman ang "Pagkaraan ng Isang Libong Taon," na inawit ni Lam Junjie at hango sa album na pinamagatang "Number 89757."
At sa culinary portion ng ating programa, ang Chinese recipe natin ngayong gabi ay Kangkong with Fermented Bean Curd.
KANGKONG WITH FERMENTED BEAN CURD
Mga Sangkap:
300 grams ng kangkong o water spinach, tinanggalan ng ugat, hinugasan at hiniwa sa habang 5 centimeters
3 cubes ng fermented bean curds
3 butil o cloves ng garlic
Maliliit na pirot ng asin at asukal
1 kutsara ng cooking oil
Paraan ng Pagluluto:
Sa katamtamang apoy, initin ang cooking oil sa kawali. Pag mainit na, ilagay ang garlic (puwede ring samahan ng sili kung gusto) at igisa hanggang sa lumutang ang bango. Idagdag ang fermented bean curd. Ligisin nang kaunti sa kawali. Isunod ang kangkong at pagkaraan ng 1 1/2 minuto, ilagay ang asin at asukal at ituloy pa ang paggigisa sa loob ng 1 minuto. Isilbi.
ABOT-KAMAY NA BIYAYA
(PENNY TAI)
"Abot-kamay na Biyaya," inawit ni Penny Tai at buhat sa album na Basta Awitin Mo." Ang pamagat ng kanta at album ay isinalin from Chinese to Filipino.
Uy, mayroong mensahe ang San Andres Boys. Kumusta ba kayo, guys? Sabi: "Kuya Ramon, iyong sinasabi naming dila-dila na itinitinda namin ay iyun iyung tinatawag ng iba na palitaw. Madali lang lutuin. Galapong, tubig, kinadkad na niyog at asukal na pula lang ang kailangan. Hulmahin lang ang galapong sa palad at gawin itong parang hugis-dila. Pagkatapos, magpakulo ng tubig at ihulog ang mga dila-dila. Pag lutang, isalin sa bandehado bago budburan ng niyog at pulang asukal.
Naku, masarap iyan, ha? Ako'y mahilig sa mga kakanin. Sana makatikim ako ng sampol ng inyong luto-- iyong sampol ng inyong luto mismo ang gusto kong matikman. Salamat, San Andres Boys.
Nagpapasalamat si Mildred ng R. R. Landon Extension, Cebu City sa aming Cooking Show at sa mga ipinadadala naming recipes. Ngayon daw alam na niyang lutuin ang Marinated Lotus Roots with Vinegar Sauce, Ginisang Sweet Corn na may Pine Nuts, at Chinese style na Ginisang Snow Peas.
Salamat din sa iyo, Mildred, sa pag-uukol mo ng panahon sa aming Cooking Show. Basta kung mayroon kang tanong o kung gusto mong makipagpalitan ng opinion hinggil sa pagluluto, mag-e-mail o mag-text ka lang sa amin, okay?
Oras na naman para magpaalam. Itong muli si Ramon Jr., na nagpapasalamat at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik. God bless.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |