|
||||||||
|
||
MPST20140101JenniferEnguio.m4a
|
Bilang panalubong sa bagong taon isang kwentong na hangad ay makapagbigay inspirasyon ang tampok sa Mga Pinoy Sa Tsina. Sa Guangzhou, Guangdong, Tsina isang Pinay ang nagpapatakbo sa pinakasikat sa Irish Pub sa lunsod. Siya si Jennifer Enguio.
21 years old nagdesisyon siyang mag abroad noong 2004. Sa Hong Kong namasukan siya bilang Domestic Helper pero matapos ang 10 buwan tinapos nito ang kontrata dahil hindi niya makasundo ang amo.
Tanging lakas ng loob ang tangan, nagpunta si Jen ng Shenzhen. Dito nagpalipat-lipat siya ng trabaho – serbidora, DH, office worker, teacher. Di siya pwedeng umuwi dahil sa mga obligasyon sa pamilya.
2007 nakahanap ng trabaho si Jen sa Guangzhou. Sa trading office muna tapos naging PR sa mga sikat na bars sa lunsod. Ito ang nagbukas ng pagkakataon sa kanya para simulan ang career sa pagpapatakbo ng pubs at restoran.
Bahagi ng buhay OFW ang pagharap sa mga pabago-bagong batas hinggil sa bisa. 2010 nagbalik siya ng Pilipinas dahil naghigpit ang Tsina sa immigration policies nito. Sa pagpasok ng 2011 nagsimulang magbago ang kanyang swerte nang alukin siya para maging manager ng The Brew isang Irish Pub sa Guangzhou. Bagong bukas ito, hindi kilala at tiyak na susubukin ang kanyang kakayahan ng todo-todo.
Ito rin ang unang sabak niya sa paghawak ng halos 20 staff na Tsino sa isang branch lang ng restoran. Matapos ang dalawang taon, dalawang branches na ng The Brew ang kanyang pinapatakbo.
Sa pagtatapos ng 2013 handa na si Jen para sa mas matinding career challenge.
Inalok sya para maging manager ng Hooley's, establisado at sikat na restoran sa Guangzhou. Ito'y mas malaki, mas maraming staff at mas maraming customers gabi-gabi. Para sa 30 taong gulang na si Jen ito'y isang blessing at talagang nagpapasalamat siya sa kanyang mga boss na tiwala sa kanyang kakayahan.
Bagamat di nakapagtapos ng kolehiyo, ginagamit naman niya ang lahat ng karanasan mula sa samu't saring trabahong pinasukan niya mula 2004. At kung pagbabatayan ang takbo ng kanyang buhay ito'y patunay na malayo na ang narating ng dating DH na ngayon ay bosing na sa Hooley's Irish Pub and Restaurant sa Guangzhou.
Milyon milyong OFW ang kasalaukuyang nasa ibat ibang panig ng mundo at nakikipagsapalaran para makamit ang mas magandang buhay. Ang kwento ni Jennifer halimbawa sa tagumpay na nakamit matapos ang pagpupursige, tibay ng dibdib at syempre ang galing sa paghawak ng anumang trabaho. Pwede rin nating sabihin na sya ay masuwerte dahil di sya napahamak at maalwan na nakapagtrabaho sa Tsina.
Ang buong interbyu kay Jennifer Enguio ay mapapakinggan sa tulong ng audio plug-in sa gawing itaas ng pahinang ito. Gumamit ng internet browser na may pinakabagong bersyon ng Flash Player. Ang player ay dapat lumabas sa ilalim ng pamagat ng episode na ito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |