|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Tatlong labor attachés sinampahan ng kasong administratibo
SINAMPAHAN ng kasong administratibo ang tatlong labor attachés na diumano'y sangkot sa sex-for-flight scandal. Ito ang pahayag ng Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay sa isang press briefing na isinahimpapawid ngayon.
Ayon kay Director Nicon Fameronag, ipinarating na ng DOLE sa Kagawaran ng Katarungan ang sumbong na simple negligence laban kay Saudi Arabia assistant labor attaché Antonio Villafuerte, kasong grave misconduct laban kay dating Jordan Philippine Overseas Labor Office attaché Mario Antonio at gross negligence laban kay labor attaché Adam Musa.
Noong ika-15 ng Agosto, tatlong manggagawang Pilipina ang humarap sa isang pagdinig sa Senado at nagsabing sila'y sumailalim sa sexual harassment sa Riyadh, Saudi Arabia.
Isang mambabatas ang nagsabing ang mga problemadong manggagawa ay nanirahan sa mga embahada sa Gitnang Silangan at napuwersang pumasok sa prostitusyon at ginagamit kapalit ng pamasahe pauwi sa Pilipinas.
Ayon kay Kalihim Rosalinda D. Baldoz, sinang-ayunan niya ang dagdag na sumbong laban kay Villafuerte ayon sa rekomendasyon ng isang koponang nagsiyasat sa "sex-for-flight" na ang sexual harassment complaint laban sa kanya ay ipadala sa DOLE Committee on Decorum and Investigation.
May limang araw ang CODI na magsagawa ng preliminary investigation at kung kinakailangan ay pormal na kasuhan si Villafuerte. May 15 araw ang CODI mula sa pagpapaabot ng pormal na usapin na makapagsumite ng kanilang ulat at rekomendasyon.
Magmumula sa suspension hanggang dismissal mula sa trabaho ang naghihintay sa mapapatunayang nagkasala, dagdag pa ni Kalihim Baldoz.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |