|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Dalawang Senador, tumangging nagnakaw sila
NANINDIGAN sina Senador Jose "Jinggoy" Estrada at Ramon "Bong" Revilla Jr. na sila ma'y hindi nagnakaw sa kaban ng bayan.
Ito ang kanilang reaksyon sa sinabi ni Pangulong Aquino kagabi na hindi siya nagnakaw.
Sa isang panayam sa isang himpilan ng radyo, sinabi ni Senador Estrada na suportado niya si Pangulong Aquino sa kanyang paghahabol sa mga nagsamantala sa kaban ng bayan.
Kahit umano siya nasangkot sa iskandalong dala ng Priority Development Assistance Fund, hindi raw siya nagnakaw sa kaban ng bayan. Umaasa si Senador Estrada na hindi siya ang pinatutungkulan ni Pangulong Aquino na isa sa nanggugulo sa isyu sa sinasabing kaduda-dudang paggasta ng Disbursement Acceleration Program ng pamahalaan.
Samantalang ibinulgar niya ang dagdag na pork barrel na ibinigay sa mga senador matapos mapatalsik si Chief Justice Renato Corona noong 2012, walang siyang binanggit tungkol sa DAP.
Sinabi pa ni G. Estrada na si Budget Secretary Florencio Abad ang nagsabing may dagdag na pondong ibinigay sa ma senador at ang mga ito'y idinaan sa DAP. Gayunpaman, sinabi ni G. Estrada na kinikilala pa rin niyang kaibigan si Pangulong Aquino at alyado ng kanyang administrasyon.
Sa panig ni Senador Revilla, sinabi ng kanyang abogado na hindi siya nagnakaw sa kaban ng bayan. Si Atty. Joel Bodegon ang nagpadala ng text message sa mga mamamahayag. Handa umano siyang harapin ang anumang imbestigasyon upang malinis ang kanyang pangalan.
Nanindigan pa si Senador Revilla na ang DAP ay isang presidential pork barrel.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |