|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
European Union, naglaan ng € 2.5 milyon para sa mga taga-Bohol
NAGLAAN ang European Union ng € 2.5 milyon o P 148 milyon bilang humanitarian assistance sa may 350,000 mga mamamayang nawalan ng tahanan at hanapbuhay sa malakas na lindol na tumama sa mga Lalawigan ng Bohol at Cebu at mga kalapit na pook noong ika-15 ng Oktubre, 2013.
Nagmula ang salapi sa European Union Humanitarian Aid and Civil Protection department.
Ipinaliwanag ni Ambassador Guy Ledoux na nakita na nila ang pinsala at paghihirap dahil sa malakas na lindol. Ang tulong ay pagpapakita lamang ng pakikiisa ng European Union sa mga mamamayan ng Pilipinas sa oras ng kagipitan. Idinagdag pa niya na ito ay pagpapatotoo sa naunang mga pangako na dagliang tutugon sa pangangailangan ng mga biktima ng trahedya.
Ang salapi ay gagamitin sa shelter, water and sanitation, primary health care at pagsasaayos ng evacuation sites.
Dalawang dalubhasa sa pagtulong sa mga nasalanta (Torben Bruhn regional health coordinator ng ECHO at Arlynn Aquino, humanitarian aid officer sa Pilipinas) ang nagtungo na sa Calape, Maribojoc at Loon sa Bohol mula noong ika-17 hanggang ika-18 ng Oktubre upang alamin ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol.
Ani Ambassador Ledoux, napuna ng kanilang mga dalubhasa ang karamihan ng mga tahanang napinsala at walang madaanan upang magkaroon ng basic government services. Limitado rin ang primary health care at tubig na maiinom sapagkat napinsala ang kanilang water pipes.
Malaki na rin ang gastos ng European Union sa pagtulong sa mga nasalanta ngayong 2013. Tumugon na sila sa mga pangangailangan ng mga biktima ng Typhoon Bopha na naglaan ng € 7 milyon bilang dagdag sa € 3 milyon matapos tumama ang bagyo sa timog-silangang Mindanao. Naglaan na rin sila ng € 200,000 para sa mga biktima ng Bagyong Trami o Maring at mayroon ding € 300,000 para sa mga biktima ng kaguluhan sa Zamboanga City na tumagal ng halos isang buwan.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |