Embahada ng Pilipinas tutulong sa mga OFW sa Saudi
INILABAS na ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang kanilang mga kawani sa buong kaharian upang magsuri sa mga piitan, himpilan ng pulisya at maging sa detention centers upang tulungan ang mga Pilipino na maaaring nadakip matapos mapaso ang November 3 deadline sa lahat ng mga banyagang manggagawa na di pa nakakapag-ayos ng kanilang mga dokumento.
Ayon kay Pangalawang Pangulong Binay, ibinalita na ni Ambassador Ezzedin Tago na may pakikipagtulungan na sila sa Philippine Overseas Labor Offices sa Riyadh at Eastern Saudi Arabia. Bibigyan ang mga Pilipino ng kaukulang travel documents kung kakailanganin. Ang mga banyagang manggagawa na nag-ayos na ng kanilang mga dokumento bago pa man sumapit ang ikatlong araw ng Nobyembre ay papayagang sumailalim ng proseso at hindi pauuwiin.
Nagpasalamat si G. Binay sa pamahalaan ng Saudi na kahit pa lumampas na ang apat na buwang palugit ay nagkaroon pa ng konsiderasyon.
May 1,400 na mga Pilipino sa Saudi Arabia ang naghihintay ng kanilang immigration clearance. Nakaproseso na ang Philippine Embassy at Jeddah Philippine Consulate ang nakapagproseso ng 4,530 repatriations at nakapaglabas ng travel documents para sa 10,760 mga OFWs.
1 2 3 4 5