|
||||||||
|
||
Ayon sa mga balitang lumabas, kinilala ang nasawi sa pangalang Ukol Talumpa, punongbayan ng Labangan, Zamboanga del Sur na deklaradong nasawi pagdating sa Philippine Air Force General Hospital. Kasama sa nasawi ang maybahay ng napaslang na alkalde na nakilala sa pangalang Lea. Ang dalawa pang iba na deklaradong nasawi at si Salipudin Talumpa at isang Phil Tomas Lirasan, one and a half year-old.
Sa panayam ng mga mamahayag kay NAIA General Manager Jose Angel Honrado, nabatid na kararating pa lamang sa paliparan ni Talumpa at mga kasama mula sa Cebu City kaninang mga alas onse kinse. Lumabas sa pagsisiyasat na naghihintay ang salarin sa loading bay sa labas ng arrival area.
Ayon kay G. Honrado, dalawang salarin na sakay ng motorsiklo ang sangkot sa insidente. May balita pang nakauniporme ng pulis ang mga suspect.
Pinagtangkaan ng mga alagad ng batas at security personnel sa paliparan na habulin ang mga suspect subalit nakatakas sila. Ayon sa mga nakasaksi, naghihintay ng kanilang sasakyan ang mga biktima ng paputukan ng mga salarin.
May 20 basyo ng bala ang nagtapuan sa lugar ng krimen. Makikipagtulungan umano ang NAIA management sa mga autoridad na magsisiyasat. Wala umanong closed-circuit television na nakakabit sa loading bay na pinangyarihan ng insidente.
Dalawang ulit na umanong pinagtangkaan ang buhay ni Mayor Talumpa. Unang nasugatan si G. Talumpa kasama ang kanyang pamangking si Alimodin Silad noong 2010 sa isang pamamaril sa Maynila samantalang paalis sa isang gusali sakay ng isang kotse ng paputukan ng mga 'di kilalang salarin.
Noong nakalipas na taon, pinasabugan naman ng granada buwan ng Setyembre samantalang na sa Pagadian City. Vice Mayor noon si G. Talumpa. Nakaligtas siya at ang kanyang maybahay subalit nasugatan ang kanyang security personnel.
Naganap ang insidente sa kasagsagan ng libu-libong pasaherong pauwi sa mga lalawigan bilang paghahanda sa Kapaskuhan.
Ibinalita naman ng Philippines News Agency na nasa pangangalaga na ng Philippine National Police Aviation Security Group ang tatlong saksi sa pagpaslang kay Mayor Ukol Talumpa at tatlong iba pa sa NAIA III.
Ayon kay Chief Supt. Christopher Laxa, ang tatlo ay dinala na sa Pasay City Police Criminal Investigation Division at pinakikinggan at kinukuha na ang kanilang mga salaysay.
Ang Southern Police District na ang mamumuno sa imbestigasyon. Sa inisyal na pagsisiyasat, may 17 basyo ng kalibre .45 pistola ang nabawi sa pook ng krimen.
Pinag-aralang mabuti ang pagpaslang sapagkat tiniyak na mamamatay ang punong bayan na dalawang ulit na nakaligtas sa kamatayan.
Hindi umabot ang mga autoridad sapagkat naipit sila sa traffic.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |