|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Cardinal Tagle: Ikahiya natin ang katiwalian at korupsyon
SINABI ni Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle na ang pangungulimbat sa kaban ng bayan ay nararapat ikahiya. Ito ang kanyang binigyang-pansin sa homilia sa misang idinaos sa Quirino Grandstand kaninang umaga bilang pagsisimula ng traslacion o prusisyong magbabalik sa imahen ng Itim na Nazareno sa Simbahan ng Quiapo.
Tinataya ng mga autoridad ng pamahalaan at simbahan na posibleng umabot sa 12 milyon katao ang dumalo sa pagtitipon.
Idinagdag ng Arsobispo ng Maynila na ang lahat ng mga deboto ang Itim na Nazareno ay nakaranas ng pagmamahal ng Diyos. Sa kanyang homilia sa Misang idinaos sa Quirino Grandstand, sinabi ni Cardinal Tagle na ang tugon ng mga mananampalataya ay debosyon.
Idinagdag pa niya na ang debosyon ay tugon ng pagmamahal. "Walang ibang karapatdapat na tugon o sukli ang pag-ibig," dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ginunita ni Cardinal Tagle na mayroong balitang may nakaambang kaguluhan. Ipinaalala niya na isang deboto ang nagsabing nauunawaan, nadama at naranasan ang pagmamahal ng Diyos kaya't walang anumang pangambang humarap sa anumang peligro.
Nanawagan siya sa mga deboto ng Itim na Nazareno, ipakita ang pagmamahal kay Hesus sa tatlong paraan, sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-alala at pagsaksi.
"Kung tunay tayong kaugnay ng Diyos, hindi natin malilimutan ang pagdarasal," ani Kardinal Tagle.
Hindi nararapat malimutan ang mga biktima ng mga trahedyang tumama sa bansa mula noong mga nakalipas na taon tulad ng naganap sa Tagum, Davao, sa Nueva Ecija.
Ikinalulungkot ng kardinal na nalilimutan na rin ang mga kapatid sa Zamboanga, at Bohol.
"Hanggang kailan kaya maaala-ala ang mga biktima ni "Yolanda," tanong ng kardinal samantalang binigyang diin ang katotohanang ang "hindi nakakalimot sa Diyos ay hindi makakalimot sa kapwa."
Ikinalulungkot niya na ang pagnanakaw at pangungulimbat ay hindi na ikinahihiya ngayon. Nanawagan siya sa mga deboto ng Itim na Nazareno na nawa'y makita sa kanila ang mga halimbawang iniwan ng Panginoong Hesus.
May 600 katao na ang nabalitang nasugatan, nasaktan, nahilo, tumaas ang presyon mula kaninang umaga. Ang mga nahihilo at nasusugatan sa paa sapagkat wala silang sapatos o tsinelas sa paglahok sa prusisyon, ay dinadaluhan ng mga ahensyang tulad ng Philippine Red Cross.

MGA IMAHEN NG NAZARENO, PINABABASBASAN. Bahagi na ng tradisyon ng mga samahang may imahen ng Itim na Nazareno na pabasbasan ang kanilang mga imahen bago sumapit ang kapistahan tuwing ika-siyam ng Enero. (Roy Lagarde/CBCPNews)
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |